Isang malakas na “Twin Tower” combo nina Justin Brownlee at Bennie Boatwright ang posibleng masilayan ng mga Pinoy fans sa 20th Asian Games sa Nagoya, Japan matapos lumabas ang paborableng interpretasyon sa eligibility rules ng kompetisyon.
Ayon kay SBP Executive Director Ericka Dy, base sa technical handbook ng Asiad, pasaporte ang pangunahing requirement para makalaro. Gayunpaman, may qualifier ito na dapat ay may “three-year residency” ang atleta.
Ipinaliwanag ni Dy na bagamat bago pa lamang ang proseso ng naturalisasyon ni Boatwright, maaari siyang pumasok sa nasabing panuntunan dahil nagsimula siyang maglaro bilang import ng San Miguel Beermen noong 2023-24 PBA Commissioner’s Cup.
“Meron na tayong technical handbook. The rule is passport only with three-year residency. Hindi ibig sabihin na dapat three years na na-issue ang passport, kundi ang pananatili sa bansa,” ani Dy.
Kinumpirma rin ni Dy na matapos silang makipag-ugnayan kay Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino, lumalabas na may “gray area” sa residency rule na pabor kay Boatwright. Dahil naglaro na ang 6-foot-10 forward sa Pilipinas dalawang taon na ang nakararaan, ipakikita lamang ang kaukulang dokumento para mapatunayan ang kanyang residency.
Nakatakda ang deadline para sa “Entry by Name” sa POC sa darating na Abril 30. Plano ng SBP na magsumite ng listahan na may 15 hanggang 20 manlalaro, kabilang ang sina Justin Brownlee (Naturalized), Bennie Boatwright (Naturalized – ongoing), Ange Kouame (Naturalized) at Mike Phillips (Newly recognized local).
Kung magtagumpay, magiging malaking tulong ang pagsasama nina Brownlee at Boatwright sa layunin ng Gilas Pilipinas na madepensahan ang gintong medalya na napanalunan nila sa Hangzhou noong 2023.
Sa kasalukuyan, muling nagpapakitang-gilas si Boatwright sa PBA 50th Season para sa San Miguel habang hinihintay ang pinal na pag-apruba ng kanyang naturalization bill sa Senado. (Ron Tolentino)
