Isang masayang selebrasyon ng kaarawan ang nauwi sa madugong engkwentro matapos barilin ang isang lalaki ng sarili rin niyang mga kasamahan sa gang sa Sitio Kamias, Brgy. Bagong Nayon, kagabi, Pebrero 7, 2026.
Base sa ulat ng Antipolo Component City Police Station (CCPS), naganap ang pamamaril bandang alas-8:10 ng gabi sa kahabaan ng Marcos Highway.
Ayon sa imbestigasyon, kapwa miyembro ng “TBS Gang” ang biktima at ang mga suspek.
Bago ang krimen, magkakasama pa umanong dumalo ang mga sangkot sa isang birthday party ng kanilang kaibigan sa Sitio Cressai.
Gayunpaman, sa gitna ng kasiyahan ay sumiklab ang isang mainit na pagtatalo na humantong sa pisikal na harapan hanggang sa mauwi ito sa pamamaril.
Agad na isinugod ng mga nakasaksi ang biktima sa East Avenue Medical Center sa Quezon City upang malapatan ng lunas matapos itong magtamo ng mga sugat sa katawan. Sa kasalukuyan, patuloy itong inoobserbahan ng mga doktor.
Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng Antipolo CCPS at nagsagawa ng pursuit operation. Sa kabila nito, pansamantalang nakatakas ang mga suspek at hindi pa nahuhuli hanggang sa kasalukuyan.
“Patuloy ang ating isinasagawang manhunt operation laban sa mga suspek. Hindi tayo titigil hangga’t hindi sila napananagot sa batas,” pahayag ng lokal na kapulisan.
Kasalukuyan nang inihahanda ng mga awtoridad ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kasong Frustrated Homicide laban sa mga nakatakas na suspek.
