Hindi kailangang maging eksperto sa ekonomiya upang maramdaman na may malalim na lamat sa ating pundasyon.
Bagaman ipinagmamalaki ng pamahalaan na positibo pa rin ang paglago ng Gross Domestic Product (GDP), ang datos mula sa Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD) ay naglalabas ng isang nakababahalang babala: ang Pilipinas ay nasa gitna ng isang “growth recession.”
Ito ay isang sitwasyon kung saan lumalago nga ang ekonomiya, ngunit hindi sapat ang bilis nito upang makalikha ng trabaho para sa mamamayan.
Sa unang pagkakataon, nag-alarm ang tinatawag na “Sahm Rule” sa ating bansa—isang economic indicator na ginagamit sa ibang bansa upang matukoy ang simula ng resesyon.
Noong huling bahagi ng 2025, pumalo ang unemployment rate sa antas na hindi na normal. Sa kabila ng holiday season na dapat sana ay panahon ng maraming raket at trabaho, mahigit dalawang milyong Pilipino ang nanatiling walang hanapbuhay.
Ang masakit pa rito, ang mga kabataan ang pinaka-apektado, na nakararanas ng pinakamataas na antas ng kawalan ng trabaho sa loob ng mahabang panahon.
Ang ugat ng problemang ito ay ang “hamstrung” o paralisadong sektor ng industriya. Habang umaasa tayo sa sektor ng serbisyo at mga gig economy gaya ng pagdedeliber o platform-based work, unti-unti namang humihina ang ating manufacturing at produksyon.
Ang sektor ng serbisyo, bagaman malaki, ay hindi kayang saluhin ang lahat ng nawalan ng trabaho sa ibang larangan. Ang resulta? Maraming manggagawa ang napipilitang pumasok sa mga trabahong mababa ang sahod at walang kasiguruhan.
Sa harap ng hamong ito, binibigyang-diin ng CPBRD ang isang mahalagang punto: hindi solusyon ang karagdagang utang.
Sa kasalukuyang utang ng Pilipinas na umabot na sa rekord na ₱17.71 trilyon, ang pagpapatupad ng panibagong stimulus program na galing sa hiram na pera ay parang pag-inom ng lason para pamatay-uhaw.
Ayon sa mga eksperto, ang pagpilit sa paggastos ng gobyerno na labas sa badyet ay magbubunga lamang ng mas mataas na interes at posibleng pagkalugmok sa utang (debt crisis).
Sa halip na mangutang, ang tunay na solusyon ay nasa pagpapalakas ng pribadong sektor. Panahon na upang bawasan ang mga regulasyon at buwis na nagpapahirap sa mga lokal na negosyo.
Ang pagbibigay ng targeted tax incentives sa mga industriyang mabilis makapagbigay ng trabaho—gaya ng logistics, energy, at manufacturing—ang siyang magsisilbing makina ng ating pag-unlad.
Kailangan nating gawing mas madali ang pagnenegosyo sa bansa upang bumalik ang tiwala ng mga mamumuhunan na niyanig ng mga isyu ng korapsyon at mataas na gastusin sa kuryente at transportasyon.
Hindi sapat na sabihing “lumalago tayo” kung ang bunga ng paglagong ito ay hindi nakakarating sa hapag-kainan.
Ang growth recession ay isang tahimik na krisis na kung hindi agad aagapan ng tamang polisiya sa industriya at disiplina sa pananalapi, ay maaaring mauwi sa ganap na resesyon na lalong magbabaon sa ating bansa sa kahirapan.
Ang kailangan natin ngayon ay hindi bagong utang, kundi bagong diskarte na magbibigay ng dignidad at matatag na trabaho sa bawat Pilipino.
