956 PAMPUBLIKONG GURO, SABAY-SABAY NA NA-PROMOTE
Binasag ni Education Secretary Sonny Angara ang sumpa ng pagkaka-stuck sa posisyon ng mga pampublikong guro matapos pamunuan nitong Lunes, June 1, ang malawakang oath-taking ng 956 na bagong promoted na mga titser at school heads sa Caraga Region.
Sa seremonyang ginanap sa Agusan National High School, pormal na nanumpa ang mga promotees mula sa Agusan del Norte, Butuan City, Cabadbaran City, Surigao City, at Surigao del Norte.
Sakop ng balasahan sa ranggo ang pag-akyat ng posisyon mula Teacher I hanggang VII, Master Teacher I hanggang V, at School Principal I hanggang IV.
Ayon kay Angara, sa pamamagitan ng Expanded Career Progression (ECP) system na binuo sa ilalim ng Executive Order No. 174, s. 2022 at DepEd Order No. 034, s. 2025, tinutupad ng administrasyong Marcos ang pangako na wala nang pampublikong guro ang magreretiro na lang bilang isang hamak na “Teacher I.”
BASAHIN: KWF, PINAHALAGAHAN NG DEPED
Dahil sa bagong sistema, buhay na buhay ang pag-asa ng mga guro. Katunayan, ang 60-anyos na si Bebechona Ancero ng Melquiades N. Cagasaan Memorial Elementary School sa Surigao City, na nagserbisyo nang 23 taon, ay plano na sanang magretiro ngayong taon bilang Teacher I.
Pero dahil bigla siyang na-promote bilang Teacher IV, nagbago ang kanyang isip at ipinagpaliban muna ang pag-alis sa serbisyo para maituloy ang pagtuturo.
Todo-iyak naman sa pasasalamat si Genebie Faith Sajolan ng Tubod National High School sa Surigao del Norte.
Matapos ang tatlong sunod-sunod na pagkabasura ng kanyang aplikasyon sa promotion, inakyat siya ng ECP program mula Teacher III patungong Teacher VI nang kilalanin ng DepEd ang kanyang mga volunteer work at mga sakripisyo.
“Ang ECP ay hindi lang nagbukas ng pinto para sa promotion—nagdala ito ng paghilom, pagkilala, at bagong layunin. Para sa isang guro na muntik nang sumuko, sapat na ang ECP para ibalik ako,” emosyonal na pahayag ni Sajolan.
Bukod sa promotion, binigyan din ni Angara ng espesyal na pagkilala ang 24 na itinuturing na “longest-serving teachers” o ang mga pinakamatagal nang nagtuturo sa rehiyon na nag-alay ng kanilang buhay para sa mga kabataang Pilipino.
Ang oath-taking na ito ay kasunod lamang ng katulad na malawakang aktibidad noong nakaraang May 25, kung saan 1,559 na mga guro at school heads naman mula sa iba pang division offices sa Caraga ang pinanumpa rin ni Angara sa kanilang mga bagong pwesto.
