’DI NADALA SA JUETENG AT PORK BARREL
Ipinadadakip nitong Lunes ng Sandiganbayan si Senator Jinggoy Estrada dahil sa mga kasong plunder at graft na may kinalaman sa P573-M flood control scandal.
Mismong si Interior Secretary Jonvic Remulla ang nagkumpirma na nagbaba ng warrant of arrest ang Sandiganbayan 5th Division laban sa mambabatas.
Dahil plunder ang kaso, “no bail” o walang piyansa ang naghihintay kay Jinggoy, habang may piyansa naman ang hiwalay niyang kasong graft.
Agad na nabulabog ang Senado at Sandiganbayan hapon nitong Lunes nang mamataan ang mga operatiba ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na siyang naatasan para isisilbi ang warrant.
Kasabay nito, mismong si DILG Sec. Remulla ay sumulpot din sa Senado. Nang tanungin ng mga reporter kung bakit siya nandoon, maikli lang ang sagot ng kalihim: “Trabaho lang.”
BASAHIN: JINGGOY NAKAUWI MATAPOS MAGPIYANSA SA GRAFT; WARRANT SA PLUNDER, INAABANGAN NA
Nahaharap si Jinggoy sa plunder at dalawang counts ng graft dahil sa korapsyon umano sa pondo ng flood control.
Noong May 29, naglabas na ng warrant ang 2nd Division para sa isang kasong graft pero mabilis na nakapagpiyansa ng P90,000 ang senador para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Ayon sa Office of the Ombudsman na naghain ng kaso noong May 28, kasabwat ni Estrada sa flood control scandal si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan at iba pang ex-DPWH officials.
Lumabas sa imbestigasyon ang garapalang modus kung saan sinasadya umanong mag-insert ng pondo sa mga proyektong pang-imprastruktura kapalit ng komisyon o kickback.
Ayon sa Ombudsman, umabot sa mahigit P573 milyong pisong ilicit payouts ang sistematikong idineliber diretso sa bulsa ni Sen. Jinggoy.
Si Estrada ang pinakamataas na nakaupong opisyal na ipinaaresto sa ngayon dahil sa flood control scam.
Pasok si Estrada bilang ikaapat na mambabatas at personalidad na sinampahan ng kaso sa korte, kasunod nina ex-Ako Bicol Rep. Zaldy Co, kontraktor na si Sarah Discaya, at dating Senador Bong Revilla na naunang kinasuhan nitong mga nakaraang buwan.
Ito na ang ikatlong plunder case ni Jinggoy sa nakalipas na 25 taon. Dalawang beses na siyang naabsuwelto noon—una sa jueteng scandal noong 2001, at ikalawa sa pork barrel scam noong 2014, bagama’t nakabinbin pa rin sa Sandiganbayan ang mga kasong graft niya mula sa pork barrel issue.
