Binigyang-diin ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ngayong Linggo na wala pang nakikitang basehan ang Senate Blue Ribbon Committee para papanagutin si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaugnay ng mga alegasyon ng anomalya sa mga flood control projects.
Sa isang panayam sa Super Radyo dzBB, ipinaliwanag ni Lacson na hindi napatunayan sa imbestigasyon ng komite na may kinalaman ang Pangulo sa mga iregularidad.
Ayon sa senador, ang papel ng Pangulo ay limitado lamang sa pag-apruba ng General Appropriations Act (GAA) o ang pambansang pondo kapag ito ay naisumite na sa kanyang tanggapan.
“Wala kaming makita na may pananagutan ang Pangulo batay sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kasi ang presidente, nag-a-approve talaga ng GAA kapag napunta sa kanya. Hindi naman siya ang nag-prepare ng GAB (General Appropriations Bill),” ani Lacson.
Dagdag pa ng senador, kung mayroon mang katanungan tungkol sa pananagutan ni Marcos, mas mabuting ipaubaya na ito sa House Committee on Justice. Matatandaang nauna nang ibinasura ng nasabing komite sa Kamara ang mga impeachment complaint na inihain laban sa Pangulo.
Bagama’t malinis ang pangalan ng Pangulo sa ngayon, tiniyak ni Lacson na magpupulong pa ang Senate panel para pag-usapan ang kanilang mga susunod na hakbang. Kasama rito ang pagtukoy kung sino-sino ang mga opisyal na posibleng may pagkakasala o s pananagutan sa kontrobersyal na flood control projects.
