Mariing pinabulaanan at binatikos ng Malacañang ang mga kumakalat na balitang may kinalaman sa kondisyong medikal ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipinakalat ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque.
Tinawag ni Press Officer Atty. Claire Castro na “fake at malicious” ang mga insinuwasyon ni Roque sa social media kung saan ipinakita ang isang larawan ng Pangulo na tila may suot na colostomy bag sa ilalim ng kanyang barong.
Hindi nakapagpigil si Castro sa pagpuna sa aniya’y pagpapakalat ng tsismis ni Roque.
“Anti-epal, anti-chismax tulad mo. He quacks like a duck, he dances like a duck,” bwelta ni Castro laban sa dating tagapagsalita.
Pinaalalahanan din ni Castro si Roque na mas mabuting panuorin nang maigi ang mga public engagements ng Pangulo. Ayon sa kanya, malinaw na walang kahit anong nakakabit o nakatago sa ilalim ng kasuotan ni Marcos sa nasabing kaganapan.
Naniniwala ang Palasyo na ginagamit lamang ni Roque ang tsismis at disimpormasyon upang atakihin ang administrasyon sa halip na harapin ang mga legal na kasong kinasasangkutan nito sa Pilipinas na naging dahilan ng kanyang pagtatago.
