Naging mitsa ng mainit na diskusyon sa social media ang “cryptic post” ni dating presidential adviser at political analyst Ronald Llamas patungkol sa mga diumano’y “pro-China” na politiko sa bansa.
Nitong Sabado, Pebrero 7, nag-post si Llamas sa Facebook ng isang matapang na pahayag: “Not all Makapili wear sacks over their heads. Some wear wigs.”
Ang “Makapili” ay terminong tumutukoy sa mga Pilipinong naging espiya para sa mga Hapon noong World War II.
Sinundan pa ito ni Llamas ng giit sa soberanya ng Pilipinas: “The Kalayaan Island Group is ours. Make the China apologists pay.”
Bagama’t walang binanggit na pangalan si Llamas, mabilis na itinag at binanggit ng mga netizens sa comment section ang pangalan ni Senator Rodante Marcoleta.
Matatandaang umani ng batikos ang senador matapos ang kanyang mga naunang pahayag na nagmumungkahi na ang Kalayaan Island Group (KIG) ay nasa labas ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa—isang bagay na binigyang-kahulugan ng mga kritiko bilang pagsuko sa teritoryo.
Sa isang mensahe kay journalist Joseph Morong, mariing itinanggi ni Marcoleta na nais niyang isuko ang KIG sa ibang bansa. Ayon sa kanya, sadyang pinuputol lamang ang kanyang mga sinasabi para ibahin ang konteksto nito.
“I did not say we should give up the KIG. These people are deliberately abbreviating the context of what I actually discussed during the CA (Commission on Appointments) hearing,” paliwanag ni Marcoleta.
Sa kasalukuyan, nananatiling mainit ang usapin sa social media habang patuloy na binabantayan ng publiko ang mga pahayag ng mga opisyal hinggil sa West Philippine Sea.
