Umakyat na sa 12 ang bilang ng mga nasawi matapos ang malupit na pananalasa ng Bagyong Basyang sa Mindanao na nagdulot ng malawakang pagbaha at nakamamatay na landslides nitong Sabado, Pebrero 7, 2026.
Ayon sa pinakahuling ulat mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, nasa siyam na biktima ang naitala mula sa Northern Mindanao habang tatlo naman ang nalunod sa Caraga Region.
Kabilang sa mga biktima ang apat na magkakapamilya na natabunan ng lupa sa Cagayan de Oro City at mga residente mula sa Lanao del Norte at Iligan City na inanod ng baha.
Nagpahayag naman ng pagkabigla ang mga weather specialist mula sa PAGASA matapos makumpirma na ang dami ng ulan na ibinuhos ni Basyang sa Iligan City ay doble ang volume kumpara sa mapaminsalang Bagyong Sendong noong 2011.
Sa loob lamang ng 24-oras, naitala ang matinding 383 millimeters na ulan sa Barangay Tipanoy, malayong-malayo sa 180 millimeters na pinakamataas na record ng Sendong noon.
Ang ganitong katinding pag-ulan ay itinuturing na isang pambihirang kaganapan na dumarating lamang minsan sa loob ng mahigit isang siglo.
Sa kabuuan, mahigit sa 232,000 katao ang naapektuhan sa higit 500 barangay sa Mindanao at Visayas. Bagama’t humina na at naging Low Pressure Area na lamang ang bagyo matapos ang limang landfalls, patuloy ang paghihirap ng mahigit 16,000 pamilya na kasalukuyang namamalagi sa mga evacuation centers.
Maraming kalsada at tulay din ang hindi madaanan sa kasalukuyan habang mabilis na kumikilos ang gobyerno para sa relief operations at pagsasaayos ng mga nasirang pasilidad ng kuryente sa mga apektadong lalawigan.
