Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang sapat na biyahe sa dagat para sa mga Pilipinong uuwi sa kani-kanilang mga lalawigan ngayong Undas, kung saan pinapayagan ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang mas flexible na shipping schedules at karagdagang biyahe ng ferry mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.
Sa kanyang video message ngayong Biyernes, sinabi ni Pangulong Marcos na maglalabas ang MARINA ng relaxation orders at special permits upang matugunan ang pagdami ng mga pasahero sa mga piling ruta.
“Maglalabas din ang MARINA ng relaxation orders at special permits mula October 29 hanggang November 3 upang mas maluwag ang schedule ng pagbiyahe ng mga pampasaherong barko at magkaroon ng mga karagdagang biyahe sa ilang ruta kung kinakailangan,” pahayag ng Pangulo.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng preparasyon ng gobyerno para matiyak ang ligtas at komportableng pagbibiyahe ng publiko ngayong Undas.
Bukod dito, inihayag din ng Pangulo na naglabas na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mahigit 1,000 special permits para sa mga karagdagang biyahe ng bus.
Sinabi rin ng Chief Executive na patuloy ang pag-iinspeksyon ng Department of Transportation (DOTr) at ng mga attached agencies nito sa mga paliparan, pantalan, at bus terminal upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga pasahero.
