Binigyang-diin ng Supreme Court (SC) ngayong Biyernes na maaari ding mabiktima ng sexual violence ang mga lalaki, at iginiit na dapat protektahan ng batas ang lahat ng biktima ng pang-aabuso anuman ang kanilang kasarian.
Sa desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, pinagtibay ng SC en banc ang hatol ng mas mababang hukuman na nagpapatunay na guilty sa kasong acts of lasciviousness ang isang babae laban sa kanyang 11-taong-gulang na pamangking lalaki.
Nangyari ang insidente habang bumibisita ang bata sa mga kamag-anak ng kanyang ama. Ginising siya ng babae, pinaghubad, at pinahiga sa kama bago nakipagtalik sa kanya.
Hindi agad pumalag ang bata dahil sa kyuryosidad sa nangyayari. Subalit matapos ang insidente, nakaramdam siya ng matinding hiya at naisip pa nitong kitlin ang sariling buhay.
Base sa psychological debriefing at psychotherapy, na-diagnose ang bata na may post-traumatic stress disorder (PTSD) dulot ng naturang sexual abuse.
Parehong pumatol sa hatol na guilty ang Regional Trial Court at Court of Appeals sa ilalim ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Sa kanyang apela sa kataas-taasang hukuman, iginiit ng babae na nagbigay ng consent o pumayag ang bata sa nangyari.
Ngunit tinanggihan ito ng SC at ipinaliwanag na noong nangyari ang insidente noong 2018, ang age of sexual consent ay 12-taong-gulang pa. Dahil 11-taong-gulang lamang ang bata, itinuturing itong legally incapable na magbigay ng consent.
Ayon pa sa SC, nagdulot ng matinding trauma, guilt, at hiya sa bata ang nangyari, habang pinaramdam pa ng babae na ginusto at na-enjoy ng bata ang ginawa sa kanya.
Dagdag ng korte, kung nabaligtad lang ang kasarian ng mga sangkot, maituturing sanang rape ang nangyaring insidente. Subalit sa ilalim ng batas noong panahon na iyon, hindi papasok ang ginawa sa legal na depinisyon ng rape.
Pinatawan ang babae ng sentensyang siyam hanggang 16 taong pagkabilanggo at pinagbabayad ng PHP250,000 para sa civil indemnity at damages.
