May 18, 2024

Babaeng call center agent, nagbigti

‘Goodbye my baby.’

Ito ang huling natanggap na text ng boyfriend ng isang call center agent bago magpakamatay ang huli sa loob ng kanilang bahay sa Sampaloc, Manila.

Ayon kay P/Executive Master Sgt. Jonatan Bautista ng Manila Police District- Homicice Section, dakong alas-9:30 ng umaga kahapon nang ilang beses katukin ng kanyang kapatid na babae ang pinto ng kuwarto ng 23-anyos na biktima subalit walang sumasagot.

Dahil dito, kumuha siya ng duplicate na susi para buksan ang pinto ng kwarto pero naka-lock ito sa loob  kung saan naroroon ang biktima.

Kaya humingi na siya ng tulong sa caretaker at pulis dahilan para puwersahing buksan ang pinto.

Dito na bumulaga ang nakabigting katawan ng biktima gamit ang nylon electric cord  na itinali sa isang iron grill ng bintana.

Sa salaysay ng ilang saksi sa pulisya, nakarinig sila ng kalabog mula sa bahay ng biktima dakong alas-5:00 ng hapon noong Biyernes.

Sinabi rin ng kanyang boyfriend na wala siyang alam na anumang problema ng biktima para wasaksan nito ang buhay.

Dagdag pa nito na blangko rin siya dahil wala namang away na nangyari sa pagitan nila.