Sa gitna ng lumalalang krisis sa kuryente sa mga probinsya ng Samar at Leyte, tila mas pinili pa ng National Electrification Administration (NEA) na mag-eksperimento kaysa magbigay ng konkretong solusyon. Araykupo!
Ang usapin sa pagtatalaga kay Engr. Fernan Paul Tan bilang tagapamahala ng tatlong magkakahiwalay na electric cooperatives (ECs) ay hindi lamang nakakapagtaka, bagkus ito ay isang malinaw na insulto sa mga consumer na nagtitiis sa palpak na serbisyo.
Ayon sa reklamong isinampa ng National Association of Electricity Consumers for Reforms (Nasecore) sa Office of the Ombudsman, ginawang “one-man show” ang pangangasiwa sa Leyte II, Northern Samar (NORSAMELCO), at Samar II Electric Cooperative.
Isang tao para sa tatlong higanteng kooperatiba? Nalintikan na!
Gaano man kagaling ang isang opisyal, e hindi siya si “Superman.”
Ang bawat kooperatiba ay nangangailangan ng full-time na atensyon, lalo na’t nahaharap ang mga ito sa samu’t saring problema sa supply at distribusyon.
Nakababahala ang alegasyon ni Pete Ilagan ng Nasecore na ang mga pagtatalagang ito ay walang ligal na batayan at tahasang paglabag sa Presidential Decree 269 at Republic Act 10531.
Sa ilalim ng batas, ang papel ng NEA ay superbisyon, hindi kontrol. Get’s ninyo ba mga ka-BERDUGO?
Ang pakikialam sa internal na operasyon at pag-bypass sa Board of Directors ng mga kooperatiba ay isang mapanganib na halimbawa ng “overreach” o pagmamalabis sa kapangyarihan.
Kaya’t bakit kailangang ipilit ang isang tao sa tatlong posisyon? Ano ang motibo sa likod ng pagtatago ng mga kaukulang Office Orders at Board Resolutions?
Ang kawalan ng transparency ay lalong nagpapatibay sa hinala na may “niluluto” sa loob ng NEA sa pangunguna ni Administrator Antonio Almeda at ng Board nito.
Habang nagbabayad ang mga taga-Samar at Leyte ng mataas na singil sa kuryente at nakakaranas ng madalas na brownout, ang mga opisyal na dapat nagbabantay sa kanilang kapakanan ay abala sa mga kaduda-dudang maniobra sa burukrasya.
Naku ha!
Hindi lang ito usapin ng administratibong pagkakamali; ito ay usapin ng pananagutan.
Tama lamang na kaladkarin sa Ombudsman ang mga nasangkot na opisyal, kabilang na sina Energy Secretary Sharon Garin at Undersecretary Mario Marasigan. Ang serbisyong pampubliko ay hindi isang laro ng paboritismo o pagmamanipula ng posisyon. Ang sakit sa bangs nito!
Kung hindi kayang ayusin ng NEA ang pamamahala sa mga kooperatiba sa paraang naaayon sa batas, asahan nating mas magdidilim pa ang kinabukasan ng enerhiya sa Silangang Visayas.
Hustisya para sa mga consumer ang sigaw natin—hindi “Super GM” ang kailangan natin, kundi matino, tapat, at ligal na pamumuno.
***
Para sa inyong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
