Hindi pa man natatapos ang unang dalawang linggo ng 2026, nakamit na agad ng Philippine tennis sensation na si Alex Eala ang bagong career-high matapos umakyat sa world No. 49 sa pinakabagong WTA rankings na inilabas ngayong Lunes, Enero 12.
Ang pagtalon ni Eala sa rankings ay bunga ng kaniyang impresibong semifinal finish sa ASB Classic sa Auckland, New Zealand. Sa nasabing torneo, pinatalsik ng 20-anyos na Pinay ang mga higante sa tennis kabilang ang Paris Olympics silver medalist na si Donna Vekic ng Croatia, Petra Marcinko, at Magda Linette.
Sa kaniyang Instagram post, ibinahagi ni Eala ang kaniyang determinasyon para sa bagong taon.
“This year is about being braver, dreaming bigger, loving harder, and doing more for the people and passions that matter most,” pahayag ni Eala, na unang nakapasok sa top 50 noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Bagama’t kinapos sa semifinals laban kay Wang Xinyu ng China dahil sa tinamong back injury, nananatiling positibo ang Pinay star. Ang kaniyang katunggali na si Wang ay umakyat din sa No. 43 mula sa No. 57 matapos makapasok sa finals ng torneo.
Matapos ang kaniyang kampanya sa Auckland, tutuloy si Eala sa Melbourne para sa Kooyong Classic (Enero 13-15), isang invitation-only exhibition tournament. Dito ay muli niyang makakaharap si Vekic, kasama sina Priscilla Hon ng Australia at ang beteranang si Daniela Hantuchova ng Slovakia.
Ang Kooyong Classic ang magsisilbing huling paghahanda ni Eala para sa Australian Open, kung saan sa kauna-unahang pagkakataon ay pasok na siya sa main draw (singles at doubles) dahil sa kaniyang mataas na ranking.
Matatandaang noong 2020, naghari si Eala sa Australian Open junior doubles title kasama si Priska Madelyn Nugroho, ngunit ito ang magiging unang sabak niya sa main draw ng nasabing Grand Slam bilang isang professional.
Depende sa kaniyang magiging resulta sa Australian Open, inaasahan ding posibleng lumahok si Eala sa Philippine Women’s Open, isang WTA 125 event na gaganapin sa huling bahagi ng buwang ito. (RON TOLENTINO)
