Kasabay ng opisyal na pagbubukas ng 49th ASEAN Summit and Related Summits, tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa publiko, mga dayuhang delegado, at sa international community na handang-handa na ang buong puwersa ng kapulisan sa Metro Manila upang panatilihin ang ligtas, payapa, at maayos na pagdaraos ng makasaysayang pagtitipon.
Sa isang pahayag, nanawagan si NCRPO Acting Regional Director PBGen. Christopher N. Abrahano sa lahat ng naka-deploy na tauhan na manatiling nakatutok, alerto, at tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin.
“The moment we have been preparing for is finally here. This is not just another security operation; this is an opportunity for the Philippine National Police to demonstrate to the world the discipline, professionalism, and dedication of Filipino police officers,” ani PBGen. Abrahano.
Dagdag pa niya, ang bawat pulis na nakatalaga sa summit ay kumakatawan sa buong bansa kaya inaasahan niya ang pinakamataas na antas ng integridad at responsibilidad mula sa kanila.
Inatasan din ng hepe ng NCRPO ang lahat ng police commanders na mahigpit na bantayan ang kanilang mga tauhan, tiyakin ang kahandaan sa operasyon, at panatilihin ang malakas na koordinasyon sa iba pang ahensya ng pamahalaan para sa agarang pagtugon sa anumang banta sa seguridad.
Bukod dito, pinakikilos nang husto ni Abrahano ang mga intelligence unit upang paigtingin ang pangangalap ng impormasyon at pagbabantay sa mga posibleng banta, alinsunod pa rin sa batas. Giit niya, hindi dapat maging kampante ang kapulisan at dapat ay maagap nilang mapigilan ang anumang insidente bago pa ito mangyari.
Kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng batas, pinaalalahanan din ni Abrahano ang mga pulis na panatilihin ang pagiging magalang at mainit na pagtanggap sa mga dayuhang bisita at sa publiko upang maipakita ang tunay na Filipino hospitality.
Tiniyak din ng NCRPO na habang binabantayan ang mga vital installations at summit venues, sisikapin nilang hindi maantala ang pang-araw-araw na gawain at biyahe ng mga residente sa Kamaynilaan.
