Sa panibagong hakbang ng tech giant na Apple, inihayag nito noong Nobyembre 2 ang tinaguriang pinakamalaking education deal sa kasaysayan ng kumpanya.
Ito po yung pagbibigay ng mahigit 170,000 laptops para sa mga pampublikong guro sa Pilipinas.
Sa kabuuang halagang P7.4 bilyon ($116 milyon), ang kontratang ito ang pinakamalaking single procurement ng mga laptop sa ilalim ng kontrobersyal na DepEd Computerization Program mula nang pumutok ang pandemya.
Sa kabuuang 231,725 teacher devices na itinatakda ng programa, halos 75% o mahigit 170,000 unit dito ay mga Apple MacBook Neo.
Ngunit sa gitna ng malaking balitang ito, hindi maiwasang balikan ang malalim na sugat ng nakaraan sa Department of Education (DepEd).
Mula sa 2021 laptop scandal kung saan binatikos ng Commission on Audit (COA) ang pagbili ng diumano’y overpriced at luma ang processor na mga laptop sa halagang P58,000 bawat isa (na umabot sa P2.4 bilyon), hanggang sa pagkakadiskubre na ang milyun-milyong pisong kagamitang inilaan sa distance learning ay naglabasan at ibinebenta lang pala sa mga retail stores dahil sa kapabayaan ng mga dating pinuno ng kawanihan.
Sa unang tingin, tila mas transparent at matino ang kasalukuyang transaksyon sa ilalim ni Education Secretary Sonny Angara.
Ang presyo ng MacBook Neo sa kontrata ay pumatak sa P43,000 bawat isa, mas mababa sa opisyal na retail price nitong P49,990 hanggang P57,000 sa merkado, at mas mura kumpara sa mga luma at overpriced na laptop noong mga nakaraang administrasyon.
Ayon sa DepEd, pumasok ang Apple sa isang open competitive bidding upang makuha ang proyekto.
Subalit sa kabila ng magandang simula, nananatiling krusyal ang patuloy na pagbabantay ng publiko.
May mga katanungang dapat manatiling bukas. Paano nalaman ng Apple ang oportunidad na ito sa Pilipinas? May iba pa bang kumpanya na sumubok lumaban sa kontrata, at ano ang kanilang mga inihain? Higit sa lahat, matapos ang mismong kontrata, paano itatakbo ang logistics at pamamahagi?
Sa mga nakaraang anomalya sa ilalim ng kawanihan, hindi lang ang mismong kagamitan ang naging problema kundi ang kabiguan ng logistics providers na ihatid ang mga kagamitan sa mga guro at paaralang pinakakailangan ito sa iba’t ibang dako ng kapuluan.
Ayon sa DepEd, magsisimula ang pamamahagi ng mga MacBook Neo ngayong taon at magpapatuloy hanggang Marso 2027.
Magandang simula ito sa adhikain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pataasin ang digital literacy ng mga guro’t mag-aaral.
Ngunit hangga’t hindi pa ganap na nakakarating ang bawat yunit sa kamay ng mga guro mula Batanes hanggang Sulu nang walang kickback o anomalya, mananatiling nakatutok ang mata ng bayan upang tiyaking hindi na uulit ang mga kapabayaan ng nakaraan.
