Photo: Caloocan City Government/FB
Matagumpay na nakakolekta ng Caloocan City Environmental Management Department (CEMD) ang kabuuang 150 black bags ng plastic waste materials mula sa iba’t ibang mga pampubliko at pribadong sementeryo sa Caloocan nitong nagdaang Undas 2026.
Ang mga naturang bulto ng plastic waste materials ay ireresiklo ng CEMD upang bigyang-buhay at gawing kapaki-pakinabang na mga kagamitan tulad ng upuan, lamesa, bag, at iba pa.
Naging epektibo at episyente ang koleksyon ng basura sa kabila ng pagdagsa ng mga bumibisita sa mga sementeryo dahil sa pagpapatupad ng CEMD ng biodegradable at non-biodegradable trashbins, paglalagay ng mga “Shoot Your Empty Plastic Bottle” bins, pagpapatupad ng kampanyang “Basura Ko, Responsibilidad Ko” na may angkop na kaparusahan o multa para sa mga mahuhuling lalabag.
Patuloy rin ang pagpapatrol ng environmental police upang regular na magpaalala at tiyakin ang kalinisan sa lahat ng mga sementeryo sa lungsod.
Taos pusong nagpasalamat si Mayor Dale Gonzalo “Along” R. Malapitan sa libo-libong indibidwal na nakiisa, naging responsable, at nagpakita ng disiplina sa kalinisan.
“Maraming salamat po sa mga kababayan natin na nagpakita ng kanilang paggalang hindi lamang sa ating kalikasan, kundi maging sa mga namayapa at mga kapwa nila na bumibisita rin sa mga sementeryo,” ani Mayor Along.
Kinilala rin ng alkalde ang walang humpay na pagsisikap ng mga kawani ng CEMD na nanatiling nakaantabay upang matiyak na malinis, payapa, at ligtas ang mga sementeryo.
“Pinupuri ko ang CEMD sa inyong mga inisyatiba at epektibong pamamaraan upang mahiyakat ang pakikiisa ng ating mga kababayan. Dahil sa tulong niyo hindi lamang mas naging malinis ang ating kapaligiran, napigilan din ang bulto ng mga plastik na mapunta sa landfill,” dagdag pa ng alkalde. JUVY LUCERO
