Itinanggi ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang mga haka-haka na pinoprotektahan o kinakanlong nila si Senator Ronald “Bato” dela Rosa, kasunod ng mga ulat na nagtatago diumano ito sa ilalim ng pangangalaga ng isang “armed and powerful group.”
Sa isang pahayag na inilabas ng tanggapan ni MNLF Chairman Muslimin Sema sa Facebook nitong Linggo, linaw ng organisasyon na wala silang “established formal relationship” kay Dela Rosa, at ang founder nilang si Nur Misuari ay kilala lamang bilang “kaibigan” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“The claim that the MNLF may be protecting him is speculation, not a confirmed fact,” pahayag ng grupo.
Dagdag pa ng MNLF: “Dela Rosa appears to have personal and political connections to figures associated with the MNLF, especially through Duterte’s relationship with Nur Misuari, but there is no verified evidence that he is an MNLF member, ally in an operational sense, or currently being protected by the group.”
Gayunpaman, binanggit ng MNLF ang mga ulat na “fragmented” o may iba’t ibang faction ang kanilang organisasyon, kaya hindi rin umano matukoy kung may kakayahan o posibilidad na protektahan ng Misuari faction ang senado mula sa pag-aresto.
Matatandaang nag-alok na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng ₱50-million reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Dela Rosa. Ayon kay DILG Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla, itinuturing na ngayong “armed and dangerous” ang senador.
Una rito, sinabi ni Remulla na pakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa grupong nagtatanggol kay Dela Rosa para sa kanyang maayos na pagsuko at maiwasan ang anumang marahas na bakbakan.
Ayon pa sa MNLF, tinatalakay lamang ni Dela Rosa ang kanilang grupo kapag may kinalaman ito sa usapin ng giyera at peacebuilding.
“As a student in Marawi, he experienced fighting between government forces and the MNLF, and he has supported programs benefiting former combatants and their children,” ayon sa MNLF.
Inilapit din umano ng senador ang mas mabilis na integration ng mga kwalipikadong miyembro ng MILF at MNLF sa PNP at AFP, na nagpapakita lamang ng policy-level engagement at hindi personal o organisasyonal na ugnayan.
Sinubukan ng GMA News Online na kunin ang panig ng tanggapan ni Dela Rosa ngunit wala pa itong ibinibigay na tugon habang isinusulat ang balitang ito.
Si Dela Rosa ay may umiiral na arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kontrobersyal na drug war sa panahon ni Duterte, kung saan libo-libo ang umano’y namatay. Si Dela Rosa ang nagsilbing PNP Chief nang simulan ang pagpapatupad ng war on drugs.
Samantala, kasalukuyan nang nakadetine si Duterte sa ICC sa The Hague, Netherlands habang hinihintay ang kanyang paglilitis sa kasong crimes against humanity.
