SHOOT sa kulungan ang 50-anyos na tricycle driver na wanted sa kaso ng panggagahasa sa isang menor-de-edad sa Lungsod ng Malabon nang makorner ng pulisya sa loob ng isang sementeryo sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth na dumalaw sa kanyang yumaong kamag-anak ang 50-anyos na akusado sa Sangandaan Public Cemetery sa Brgy., 4.
Kaagad ikinasa ng mga operatiba ng Caloocan Police Warrant and Subpoena Section ang operation hanggang tuluyang masukol ang akusado sa nasabing sementeryo ala-1:30 ng hapon.
Inaresto siya sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Statutory Rape na inisyu ng Presiding Judge ng Family Court, Branch 4, Malabon City, noong October 28, 2026, na walang inirekomendang piyansa.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Caloocan Police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya City Jail. JUVY LUCERO
