Kapag ang halaga mo ay nakasabit sa approval ng iba, hindi ka kailanman magiging payapa. Matutong bumitaw.
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
MAY araw na maiisip mo: nakakapagod pala mabuhay na tila palagi kang nasa audition. Ipapaliwanag mo lahat. Ite-text mo ang mahabang dahilan. Papatunayan mong mabuti kang tao. Hihintayin mong magreact sila ng “Gets kita” bago ka matahimik.
Subalit hindi mo hawak ang mata ng ibang tao. Sa sikolohiya, may tinatawag na Self-Determination Theory (1985) nina Edward L. Deci (1942-2026) at Richard M. Ryan (isinilang 1953). Ayon sa kanila ay may tatlong (gutom) ang tao: Autonomy (ako ang may-ari ng desisyon ko), Competence (may silbi ako), at Connection (may kabilang ako).
Kapag ang tiwala sa sarili ay nakasabit sa likes, sa “good job,” sa pag-unawa nila sa iyo – parang ibinigay ang susi ng kapayapaan sa mga taong hindi mo naman kontrolado. Kaya kahit puro papuri iyan, nakakapagod. Dahil kailangang pagtrabahuhan ulit bukas.
Subalit maaaring iba. Iyong hindi ka mauunawaan ng iba? Hindi nangangahulugang nagkamali ka. Iyong hindi nila napapansin effort mo? Hindi nangangahulugang wala itong halaga. Iyong hindi nila makita ang iyong halaga? Hindi nito mababawasan ang halaga mo.
Dahil ang tunay na kalayaan ay nagsisimula sa isang tanong: “Ginagawa ko ba ito dahil ako ito, o ginagawa ko ba ito dahil ibig kong maibigan nila ako?”
Hindi ito tungkol sa pagiging walang pakiramdam o manhid. Kailangan natin ng tao. Masarap pa ring maunawaan. Ang ipinagkaiba lang: Dati ay kailangan mo ng approval ng buong mundo upang makatulog. Ngayon ay kaya mo nang magpaliwanag kung mahalaga, subalit hindi ka na nagmamakaawang maunawaan.
Kaya mo nang tumanggap ng papuri nang hindi nalululong dito. Kaya mo nang tahimik na lumayo kapag ang usapan ay naging “patunayan mo na karapat-dapat ka.”
Subukin mo ngayon: Gumawa ng isang bagay na tama dahil tama kahit walang nanonood. Maghugas ng pinggan kahit hindi utusan. Magsorry kahit hindi sila humingi. Magtrabaho nang maayos kahit walang magtsetsek.
Hayaang may kahulugan ang ginawa kahit walang palakpak. Doon nagsisimula ang tunay na kapayapaan. Hindi kapag nagawa na ang tingin ng lahat sa iyo, bagkus kapag kaya nang igalang ang sarili kahit hindi ka nila kilala ng lubusan.
Kaya ika’y tatanungin: Kaya mo bang maging payapa kung sino ka, kahit hindi ka nauunawaan ng lahat? At ito ang pinakamahirap tanggapin: Minsan, sapat na ang paliwanag mo. Hindi na kailangang gandahan pa. May mga taong makikita ka pa rin sa lente ng sarili nilang sugat, takot, at kuwento. Hindi ikaw ang problema.
Kaya ang tunay na tanong ay hindi: “Paano ko sila mauunawaan?”
Kundi: “Kailan ko matutuhang tumigil ng kakahanap ng approval, at kailan ko matututuhang tumigil magpaliwanag sa mga taong desidido nang hindi ako maunawaan?”
Ikaw, alin ka sa dalawang iyan?
