Inilatag ng Meralco sa pamumuno ni Manuel V. Pangilinan ang kauna-unahang 34.5-kV mobile switchgear sa bansa. Ang makabagong kagamitang ito ang gagamitin tuwing may mga upgrade sa substation upang hindi maabala ang supply ng kuryente ng mga consumer.
Ang portable at trailer-mounted na 34.5 kV switchgear ay nilagyan ng isang bus-tie, tatlong feeder breakers, at mga protective equipment. Idinisenyo ito upang mai-deploy sa iba’t ibang lokasyon, kaya nagbibigay ito sa Meralco ng mas malaking operational flexibility tuwing may emergencies o planned equipment replacements.
Dahil dito, naisasagawa ng kumpanya ang mga kritikal na upgrade habang napananatili ang tuluy-tuloy na serbisyo ng kuryente sa mga customer.
Kasalukuyang naka-deploy ang mobile switchgear sa Sun Valley Substation sa Parañaque City, kung saan pansamantalang nitong pinagsisilbihan ang tatlong feeders habang pinalitan ang umiiral na 34.5-kV GIS No. 1.
Malaking tulong ito upang mapanatili ang supply ng kuryente sa mga primary customer sa mga kalapit na lugar.
“Ang aming priority ay ang panatilihing maaasahan ang serbisyo ng kuryente para sa aming mga customer, kahit na nag-uupgrade at nagmo-modernize kami ng aming mga pasilidad. Sa tulong ng mobile switchgear na ito, naisasagawa namin ang mga critical equipment replacement habang nababawasan ang service disruptions. Mas mahalaga, maaari natin itong i-deploy sa ibang mga lokasyon kung saan ito kailangan, kaya mas maraming customer ang makikinabang sa investment na ito,” pahayag ni Meralco Senior Vice President and Head of Networks Engr. Froilan J. Savet.
Nananatiling committed ang Meralco sa pag-invest sa mga makabagong solusyon na nagpapatibay sa network reliability at nagtitiyak ng maaasahang serbisyo ng kuryente para sa mga customer nito habang patuloy na isinasaayos at pinauunlad ang kanilang distribution system.
