Nasa larawan sina (mula kaliwa) Meralco First Vice President at Chief Human Resources Officer Hans R. Montenegro, BTCI President at CEO Engr. Tommy Joseph R. Abustan, at Meralco Senior Vice President at Head of Networks Engr. Froilan J. Savet sa ginanap na ceremonial signing ng Memorandum of Agreement (MOA).
Pinatibay ng Manila Electric Company (Meralco), sa pamumuno ni Chairman Manuel V. Pangilinan, ang layunin nitong humubog ng mga bagong propesyonal sa bansa matapos makipagsanib-puwersa sa Banahaw Technological College, Inc. (BTCI) sa ilalim ng Talent Farm Program ng naturang distribution utility.
Sa isinagawang ceremonial signing ng Memorandum of Agreement (MOA) noong Setyembre 28, nangako ang Meralco na ipagpapatuloy ang mga inisyatiba upang maiugnay ang edukasyon sa totoong eksena ng industriya, at mabigyan ang mga estudyante ng direktang karanasan sa mga teknolohiya at oportunidad sa energy sector.
Paliwanag ni Meralco First Vice President at Chief Human Resources Officer Hans R. Montenegro, layon ng pakikipagtulungan na agad na makahanap ng trabaho ang mga nagtapos sa BTCI.
Aniya, handa ang Meralco na suportahan ang mga pangarap ng mga mag-aaral at umaasang magiging matagumpay ang pilot project na ito upang maipatupad din sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa ilalim ng Talent Farm Program, makakakuha ang mga estudyante ng BTCI ng industry exposure, structured practicum training, mentorship, at mismong career opportunities na akma sa mga teknikal na pangangailangan ng Meralco.
Ipinahayag naman ni BTCI President at CEO Engr. Tommy Joseph R. Abustan ang kanyang pasasalamat sa malaking oportunidad na ito para sa kanilang paaralan at mga mag-aaral, habang binigyang-diin ang magandang kinabukasan at career growth na naghihintay sa kanila sa Meralco.
Ang BTCI, na matatagpuan sa Lucban, Quezon, ay isang institusyong kinikilala ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Nag-aalok ito ng mga kursong tulad ng Electrical Technology, Electrical Installation and Maintenance, at Mechatronics na direktang kaugnay sa operasyon ng Meralco. May mahigit 600 estudyante ang paaralan at kilala sa competency-based training model nito.
Binigyang-diin din ni Meralco Senior Vice President at Head of Networks Engr. Froilan J. Savet na handa ang mga inhinyero ng Meralco na maging mentor at gabay ng mga mag-aaral upang makakuha sila ng mga praktikal na kaalaman para sa kanilang propesyonal na pag-unlad. (Mina Paderna)
