Mariing itinanggi ni retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang na may anumang kapalit o pangako sa kaniyang pagtayo bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong Lunes, kasabay ng pagbibigay-diin na hindi nabibili ang kaniyang testimonya.
Pumutok ang palitan ng argumento nang kwestiyunin ni defense counsel Atty. Mark Vinluan ang kredibilidad ni Cabotaje-Tang at kung nakatanggap ba ito ng alok o pabor kapalit ng kaniyang pagharap sa korte.
“I will never testify if I ever was offered anything material or otherwise. My testimony is not for sale, sir,” giit ni Cabotaje-Tang sa gitna ng cross-examination.
Itinanggi rin ng dating mahistrado na naghahangad siya ng ambassadorial post kapalit ng kaniyang pagtestigo, at sinabing wala na siyang planong magbalik sa serbisyo publiko matapos magretiro noong Nobyembre 2024.
Bago ito, matinding tumutol ang defense team sa pagpresenta ng prosecution kay Cabotaje-Tang bilang expert witness para sa Article II (unexplained wealth) dahil hindi umano ito kabilang sa listahan sa pre-trial order.
Nagbabala si Vinluan na labag sa fair play at due process ang paghahain ng “surprise witness,” subalit ibinabasura ni Senate President at Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang naturang objection.
Ayon kay Escudero, ang testimonya ni Cabotaje-Tang ay hindi pinal o binding sa korte at maaari pa ring isailalim sa masusing cross-examination ng depensa.
Sinubukan din ng depensa na i-uugnay si Cabotaje-Tang sa Akbayan Party-list at sa prosecution co-team leader na si Rep. Chel Diokno nang kwestiyunin ang pagpapadala ng subpoena sa pamamagitan ng tanggapan ni Diokno sa Batasan Complex.
Pinuna rin ni Vinluan ang isang larawan sa isang UP Law event na nag-uugnay diumano sa kanila, ngunit itinama ito ni Diokno sa record at sinabing wala siya sa nasabing litrato.
Iginiit din ni Vinluan na hindi dapat kilalanin bilang expert witness si Cabotaje-Tang dahil ang interpretasyon ng batas ay tungkulin mismo ng impeachment court at hindi ng isang indibidwal.
Samantala, ipinagtanggol ng prosecution panel ang kahalagahan ng kaalaman ni Cabotaje-Tang, na naglingkod ng 44 taon sa gobyerno — kabilang ang 31 taon sa Office of the Solicitor General kung saan pinunuan niya ang task force laban sa ill-gotten wealth at money laundering, bago naging Presiding Justice ng Sandiganbayan mula 2013 hanggang 2024.
