Sa kabila ng pagtanggap ng pinakamalaking pondo na umabot sa P15.8 bilyon mula 2023 hanggang 2025, niyanig pa rin ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa ang ilang barangay sa Laoag City nitong Lunes, Agosto 31.
Ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) at ng Laoag City Disaster Risk Reduction and Management Office, naitala ang lampas-tuhod na baha sa Barangay 2, habang umabot naman sa tuhod ang tubig-baha sa Barangay 38-A sa Mangato.
Bukod sa pagbaha, nagkaroon din ng landslides sa Barangay 23, Barangay 55-A, at dalawang maghiwalay na pagguho sa Sitio Matirem-A sa Barangay 57, Pila. Naisalanta rin ng baha ang isang tahanan sa Sitio Ligsay, habang limitadong magaan na sasakyan lamang ang pinahintulutang makadaan sa isang kalsada sa Barangay 52-B sa Lataag.
Ang Laoag City ay bahagi ng Unang Distrito ng Ilocos Norte na kinakatawan ni Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Batay sa datos mula sa Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), si Rep. Marcos ang nakakuha ng pinakamataas na pondo ng tinaguriang “allocable” funds sa bansa na nagkakahalaga ng P15.8 bilyon sa loob ng tatlong taon. Sumunod sa kanya si dating House Speaker Martin Romualdez na nakatanggap ng P14.4 bilyon.
Samantala, pumalo lamang sa P1 bilyon hanggang P10 bilyon ang naging alokasyon para sa iba pang 251 district representatives sa nakaraang Kongreso, habang zero budget o walang natanggap ang mga kinatawang allied kay Vice President Sara Duterte sa pinal na bersyon ng 2025 national budget.
Umana ng batikos ang nasabing alokasyon dahil sa labis na pagkakaiba ng halaga kumpara sa populasyon ng mga distrito. Ang Unang Distrito ng Ilocos Norte na may mas kaunti sa 320,000 na residente ay nakakuha ng halos doble sa P7.8-bilyong alokasyon ng Unang Distrito ng Rizal—na siyang pinakamataong distrito sa bansa na may 1.2 milyong mamamayan.
Binigyang-diin din sa ulat ng PCIJ ang umanoy “political maneuvering” sa mga “non-allocable” projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bagamat ang mga proyektong ito ay dapat na nakatutok sa disaster mitigation at poverty alleviation batay sa masterplan ng DPWH, madalas umano itong masingitan ng malalaking insertions mula sa mga miyembro ng Kongreso at ekyekutibo na sumisira sa prayoridad ng mga imprastraktura sa bansa.
