Arestado ang isang 20-anyos na lalaki matapos pukpukin ng bote ng alak sa ulo sa Sitio Tanglaw, Barangay San Isidro, Antipolo City, noong Linggo ng gabi, Agosto 30.
Kinilala ng Antipolo Component City Police Station ang suspek na si alias “Marlon,” 20, isang helper, habang ang biktima ay kinilalang si alias “Paul,” 22, isang motorcycle taxi rider at kapwa residente ng nasabing lugar.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan dakong alas-9:00 ng gabi nang biglang dumating ang suspek at sapilitang pinukpuk ng bote ang ulo ng biktima. Ang paulit-ulit na panunukso umano ng biktima sa suspek ang itinuturong dahilan ng pananakit.
Agad namang naawat ng mga kasamahan sa inuman ang suspek bago pa lumala ang gulo, dahilan upang mabilis itong tumakas mula sa lugar.
Isinugod naman agad ang duguang biktima sa Antipolo City District Hospital sa Mambugan upang magamot. Matapos makatanggap ng paunang lunas, humingi ng tulong ang biktima at ang kanyang mga kasamahan sa mga responding Barangay Public Safety Officers (BPSO) na siyang nagkasa ng operasyon at nag-aresto sa suspek.
Dinala at iturn-over ang suspek sa Annex 2 / PCP-2 Custodial Facility ng Antipolo City Police Station dakong alas-3:25 ng madaling araw nitong Lunes, Agosto 31. Hindi naman narekober ng mga awtoridad ang ginamit na bote sa nasabing krimen.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek habang inihahanda ng pulisya ang kaukulang kasong Frustrated Homicide laban sa kanya.
