Inihalintulad ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. sa mga “ghost project” ang kwestyonableng paggasta at pag-liquidate ni Vice President Sara Duterte sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Sa kaniyang pagdalo sa Saturday News Forum sa Quezon City, kinwestiyon ng mambabatas kung saan napunta at kung sino-sino ang nakatanggap ng naturang pondo ng bayan.
Iginiit ni Abante na angiging “confidential” ng pondo ay hindi sapat na dahilan upang iwasan ang pagsusuri ng Commission on Audit (COA).
Aniya, kailangang ibunyag sa publiko kung tama at kung saan ginamit ang pera upang maibalik ang pananagutan sa kaban ng bayan.
Ang pahayag ng mambabatas ay kasunod ng paghaharap ng House prosecution panel ng mga testigo mula sa COA sa ginagawang impeachment trial sa Senado.
Batay sa ulat, umabot sa P500 milyon ang naipagkaloob na confidential funds sa OVP mula huling bahagi ng 2022 hanggang 2023, samantalang P112.5 milyon naman ang pondo sa DepEd sa ilalim ng pamumuno ni Duterte.
