Mariing kinondena ng August Twenty-One Movement (ATOM) noong Sabado, Agosto 15, 2026, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos nitong igiit sa isang luncheon forum na walang “ill-gotten wealth” ang kaniyang pamilya.
Tinawag ng grupo na “absolute fake news” at lantarang kasinungalingan ang pahayag ng Pangulo, sabay paalala sa bansa na higit P265 bilyon na ang nabawi ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) mula sa mga Marcos at sa kaniyang mga kroni.
Binigyang-diin ng Atom na mismong Korte Suprema noong 2003 ang nagdeklara na ang anumang perang labis sa legal na kita ng mag-asawang Marcos noong 1966–1985 ay itinuturing na ill-gotten.
Ipinaalala rin ng grupo na convicted sa pitong count ng graft noong 2018 ang dating Unang Ginang na si Imelda Marcos kaugnay ng pagpapasok ng $200 milyon sa mga pondo sa Switzerland, ngunit nananatili itong malaya habang nakabinbin ang apela sa Korte Suprema.
Bukod dito, pinalagan din ng grupo ang pahayag ni Marcos kung saan tinawag lamang niyang “family matter” ang hindi pa nababayarang P203-billion estate tax ng kanilang pamilya na ipinauubaya na lamang umano niya sa kaniyang mga abogado.
Binigyang-diin ng Atom na hindi sila titigil sa paghahayag ng katotohanan laban sa pambabaluktot ng kasaysayan at sa hindi pagbabayad ng pananagutan sa kaban ng bayan.
