Umaapela ngayon ng mabilis na aksyon ang mga residente ng Robes Dulo, partikular na sa bahagi ng Smart Tower sa North Caloocan, dahil sa talamak at paulit-ulit na problema sa pagbaha sa kanilang lugar tuwing sumasapit ang tag-ulan.
Ayon sa reklamo ng mga apektadong mamamayan, kaunting ulan pa lamang ay agad nang umaapaw ang baha sa kanilang komunidad dahil sa mga baradong kanal at kawalan ng maayos na drainage system. Nangangamba ang mga residente na kung hindi ito maaaksyunan ay muli silang lulubog sa baha kapag dinaluyong ng malalakas na bagyo ang lungsod.
Ipinabot ng mga residente ang kanilang labis na pagkadismaya kay Mayor Along Malapitan, kung saan binigyang-diin nila na regular naman silang nagbabayad ng buwis ngunit tila napababayaan ang kanilang sektor. Reklamo pa ng ilan, halos isang taon na silang nagtitiis sa ganitong sitwasyon nang walang personal na pagbisita o pangangamusta mula sa punong lungsod.
Kasabay nito, bumatikos din ang publiko sa tila kawalan ng mararamdamang epekto ng mga proyektong flood control sa lugar na pinondohan sa ilalim ng nakaraang pamunuan, habang ipinawawari na mas nabibigyang-prayoridad ang South Caloocan kumpara sa kanilang nasasakupan sa hilaga.
“Sana naman magawan din ng aksyon ang sitwasyon ng mga tao rito. Hindi ‘yung pag eleksyon lang nagpaparamdam. Sana mapansin kami rito, hindi lang ang ibang barangay,” pahayag ng isang dismayadong residente sa lugar.
Bukas ang Agila ng Bayan sa panig at paliwanag ng tanggapan ni Mayor Along Malapitan at ng Engineering Department ng lungsod hinggil sa drainage cleanup at flood control management sa North Caloocan.
