ARESTADO ang 49-anyos na security guard ng isang pabrika matapos barilin ang machine operator ng naturang pasilidad sa Valenzuela City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento na naganap ang insidente ng pamamaril pasado ala-1:40 ng hapon noong Linggo sa loob ng pabrikang gumagawa ng plastic sa Barangay Lawang Bato.
Lumabas sa imbestigasyon na kinuha umano ng suspek ang baril na pag-aari ng security agency na naka-issue sa isa pang sekyu saka binaril ang 52-anyos na biktima sa hindi pa malaman na dahilan.
Kaagad isinugod ang biktima sa Valenzuela Medical Center kung saan siya patuloy na inoobserbahan sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan habang naaresto naman ang suspek ng rumespondeng mga tauhan ng Police Sub-Station.
Ayon kay Col. Talento, walang karapatan ang suspek na gamitin ang hindi naka-issue sa kanyang baril kaya bukod sa kasong Frustrated Murder, sasampahan din siya ng kasong paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. JUVY LUCERO
