Inihayag ng Department of Education (DepEd) na nakababahala ang kasalukuyang estado ng literasiya sa bansa matapos lumabas sa ulat na 87 porsyento ng mga mag-aaral sa Grade 11 ang itinuturing na “non-independent readers” o hindi kayang magbasa ng mag-isa.
Ang naturang datos ay ibinase sa isinagawang Senior High School (SHS) Literacy Assessment pilot run ng DepEd noong Marso 2026 at iniulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2).
Ayon sa ahensya, ang malaking bilang na ito ay patunay ng malalim at matagal nang suliranin at kakulangan sa sistema ng edukasyon sa bansa.
Ayon kay DepEd Undersecretary for Learning Systems Carmela Oracion, kinikilala ng kagawaran ang bigat ng naging resulta ng assessment.
Binigyang-diin niya na ang krisis sa pagbasa ay hindi nagsimula sa antas ng Senior High School, kundi naipon sa loob ng maraming taon mula pa sa mga unang baitang ng elementarya.
“Gusto kong sabihin na ang 87 ay hindi maliit na numero. Kung titingnan ang background nito para sa nakalipas na ilang taon, mayroon tayong mga assessment tulad ng CRLA para sa Key Stage 1 at Phil-IRI para sa Key Stages 2 at 3.
BASAHIN: http://MAYOR WES, NAMAHAGI NG LIBRENG BAG AT SCHOOL SUPPLIES SA VALENZUELA
At noong nakaraang taon, nakita natin na napakasama talaga ng mga resulta,” pahayag ni Oracion.
Inisa-isa rin ng opisyal ang mga pangunahing sanhi ng krisis na kinabibilangan ng matinding kahirapan, kawalan ng sapat na academic support sa tahanan, kakulangan sa mga libro at kagamitan sa pag-aaral, madalas na suspensyon ng klase, at ang pangmatagalang epekto ng learning loss bunsod ng nagdaang pandemya.
Sa pagharap ni EDCOM 2 Atty. Simoun Salinas sa House Committee on Basic Education, inilatag niya ang opisyal na breakdown ng mga mag-aaral na sumailalim sa pagsusuri kung saan umabot sa 58.92 porsyento o 872,906 na mag-aaral ang nasa ilalim ng pinakamababang antas o “Frustration Level.”
Samantala, nasa 28.5 porsyento o 422,497 na mga mag-aaral naman ang nasa “Instructional Level” o yaong mga nangangailangan pa ng gabay ng guro, habang mayroon lamang 12 porsyento ang maituturing na “Independent Readers” o mga mag-aaral na may ganap na kakayahang umunawa ng impormasyon na angkop sa kanilang antas.
Sinabi ni Oracion na ang sitwasyon ay sumasalamin sa pangkalahatang kabiguan ng sistema ng edukasyon, bagaman nilinaw niya na hindi ito dapat isisi lamang sa K-12 curriculum.
Inamin din ng opisyal na isa sa mga hamon sa kasalukuyan ay ang pagiging overburdened o labis na trabaho ng mga guro sa mga paaralan, na kasalukuyan na ring tinutugunan ng kanilang Human Resources office sa pamamagitan ng pagpapadali ng mga administrative form.
Bilang agarang tugon, inilunsad ng DepEd ang isang summer remediation program para sa mga mag-aaral ng Senior High School na nakatakdang magtapos ngayong linggo.
Bukod dito, magsasagawa ang ahensya ng panibagong literacy assessment mula Hunyo 8 hanggang Hunyo 11 upang matukoy ang mga mag-aaral na nangangailangan ng espesyal na atensyon at targeted tutoring bago pormal na magbukas ang mga klase.
Inaasahan din ng DepEd na makatutulong ang pagpapatupad ng bagong three-term school calendar upang magkaroon ng nakalaang panahon para sa mga remedial at enrichment programs sa buong taon nang hindi naatala ang regular na akademikong kalendaryo ng mga bata.
