Pormal nang naglabas ng opisyal na pahayag ang pamunuan ng Victory Liner matapos magbaba ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng preventive suspension order laban sa 26 na bus ng kumpanya.
Ang suspension ay bunsod ng naganap na trahedya sa kalsada sa bayan ng Tuba, Benguet noong nakaraang Mayo 30, 2026, kung saan isang pasahero ang nasawi habang marami ang napaulat na sugatan.
Sa kanilang pahayag, muling ipinaabot ng Victory Liner ang kanilang malalim na pakikiramay sa pamilya ng pumanaw na pasahero, gayundin ang mga panalangin para sa mabilis na paggaling ng mga nasugatan.
Binigyang-diin ng pamunuan na nakikipag-ugnayan na sila sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno, mga ospital, at insurance providers upang masigurong matatanggap ng mga apektadong pasahero ang lahat ng kinakailangang tulong medikal at benepisyo nang walang anumang pagkaantala.
BASAHIN: 26 BUS NG VICTORY LINER, SINUSPINDE NG LTFRB
Iginiit ng kumpanya na nirerespeto nila ang awtoridad ng LTFRB at handa silang makipagtulungan nang buo sa ginagawang imbestigasyon upang malaman ang tunay na sanhi ng aksidente.
“Nagsimula na kaming sumunod sa mga direktiba ng ahensya at handa kaming magbigay ng lahat ng kinakailangang rekord, dokumento ng maintenance, ulat sa operasyon, at iba pang impormasyon na makatutulong sa pag-alam ng mga katotohanan sa likod ng insidente,” anang Victory Liner.
Pinaalalahanan din ng kumpanya ang publiko na ang mga inisyal na natuklasan ay paunang ulat pa lamang at kasalukuyan pang gumagalaw ang imbestigasyon, kaya’t marapat lamang na masuri muna ang lahat ng anggulo bago maglabas ng pinal na konklusyon.
Sa kabila ng pagsubok, ipinaalala ng Victory Liner na higit 75 taon na silang nagseserbisyo at nagbibigay ng ligtas na transportasyon sa milyun-milyong Pilipino sa Luzon, partikular na sa mga manggagawa, estudyante, turista, at mga magsasaka sa Northern Luzon.
Bilang tugon sa insidente, sinimulan na rin ng kumpanya ang internal na pagsusuri sa kanilang maintenance protocols at fleet management upang mas mapatibay ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero.
Nangako ang pamunuan na pananatilihin nila ang transparency at pananagutan upang mapanatili ang tiwala ng publiko na siyang naging pundasyon ng kanilang operasyon sa loob ng mahigit pitong dekada.
