Pinangunahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, kasama ang mga opisyal ng Quezon City Press Corps (QCPC), ang seremonyal na paggupit ng laso at pagbabasbas sa bagong tatag na Media Center ngayong Lunes, Mayo 25, 2026.
Ang bagong pasilidad ay matatagpuan sa Barangay Community Relations Department (BCRD) Building sa loob ng Quezon City Hall Complex.
Layunin ng proyektong ito na maging isang modernong espasyo para sa mga mamamahayag na nagbabalita sa lungsod, upang mas mapabilis at mapadali ang paghahatid ng tumpak na impormasyon sa publiko.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Belmonte ang kahalagahan ng malayang pamamahayag at ang papel ng media bilang katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng transparency at pananagutan sa serbisyo publiko.
Dinaluhan ang okasyon ng mga miyembro ng lokal na media, mga opisyal ng lungsod, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang departamento ng pamahalaang lungsod ng Quezon.
