Muling pinagtibay ng Movem Electric, Inc., ang buong pagmamay-ari na end-to-end electric mobility solutions provider ng Manila Electric Company (Meralco) na pinamumunuan ng negosyanteng si Manuel V. Pangilinan, ang kaniyang matatag na komitment sa pagsuporta sa umuusbong na industriya ng electric vehicle (EV) sa bansa.
Sa pamamagitan ng paglalatag ng mga makabago, madaling palaguin, at future-ready na mga solusyon sa pagpapadaloy ng kuryente o charging infrastructure, layon ng kumpanya na pabilisin ang modernisasyon ng transportasyon sa Pilipinas.
Sa katatapos lamang na Solar & Storage Live Philippines 2026 na idinaos nitong Mayo 19 at 20, nakiisa si Movem President at Chief Executive Officer Ralph M. Menchavez sa mga talakayan kasama ang mga pinuno ng industriya at mga stakeholders sa sektor ng enerhiya.
Nakatuon ang diskusyon sa pagpapabilis ng pagtanggap ng publiko sa mga de-kuryenteng sasakyan, pagpapalawak ng mga network ng charging stations, at pagpapatibay sa transisyon ng Pilipinas patungo sa mas malinis at napapanatiling mga alternatibo sa pagbibiyahe.
BASAHIN: NBI IBINUNYAG NA MAY MGA SUSUNOD PANG MAKATATANGGAP NG ICC ARREST WARRANT
Binigyang-diin sa kumperensya ang kahalagahan ng pagkakaisa sa pagitan ng pamahalaan, mga utility companies, technology providers, at pribadong sektor upang mapunan ang mga kakulangan sa imprastraktura.
Inihayag ni Menchavez na ang pagkakaroon ng maaasahan at madaling ma-access na mga charging station ay napakahalaga upang maitatag ang tiwala ng mga mamimili at masuportahan ang pangmatagalang paglago ng electric mobility sa bansa.
Idinagdag pa ng opisyal na kailangan ang mga matitibay at makabagong solusyon na makatutugon sa nagbabagong pangangailangan ng mga gumagamit ng EV at ng mga susunod na sistema ng pampublikong transportasyon.
“This infrastructure rollout must be complemented by strong public private collaboration and targeted incentives to accelerate investment and improve utilization,” pahayag ni Menchavez na nananawagan ng mas malawak na insentibo para sa mga mamumuhunan.
Sa pangkalahatan, patuloy ang pakikipagtulungan ng Meralco at ng subsidiary nitong Movem sa mga inisyatiba na nagtataguyod ng sustainable transportation, kahandaan ng pambansang power grid, at ang tuluy-tuloy na pag-unlad ng buong ekosistema ng mga de-kuryenteng sasakyan sa kapuluan.
