Naghatid ng tila palaisipang pahayag si Atty. Zuleika Lopez, ang Chief of Staff ni Vice President Sara Duterte, matapos itong mamataan sa Senado nitong Huwebes, Hulyo 9.
Nang hingan ng mga mamamahayag ng komento ukol sa kanyang pagkakasama sa listahan ng mga saksi ng House prosecution panel, tumanggi si Lopez na sagutin ang mga partikular na tanong tungkol sa kaso.
Sa halip, nag-iwan ito ng makahulugang pahayag:
“Good morning everyone. Good morning Typhoon Inday. Prepare for Typhoon Inday (Maghanda sa Bagyong Inday),” ani Lopez bago tuluyang umalis.
Bagama’t may totoong Bagyong “Inday” na binabantayan sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), kilala rin ang Bise Presidente sa palayaw na “Inday Sara” ng kanyang mga tagasuporta, kaya naman binigyan ng kulay ng marami ang naturang pahayag.
Kinumpirma ni Senate Impeachment Court Spokesperson Reginald Dongol na matagumpay nang naihain at natanggap ng Office of the Vice President (OVP) ang subpoena ad testificandum (kautusang humarap at tumestigo sa korte) dakong alas-1:10 ng hapon nitong Huwebes.
Inuutusan ng korte si Lopez na humarap sa mga pagdinig sa Hulyo 13 at 14 upang magbigay ng kanyang salaysay.
BASAHIN: Palasyo: ‘Ang pagbabanta ay pagbabanta, nanay ka man o Vice President’
Si Lopez ay itinuturing na krusyal na saksi ng prosekusyon kaugnay ng kontrobersyal na pahayag ni VP Sara Duterte noong Nobyembre 2024, kung saan binanggit ng Bise Presidente ang diumano’y planong pagpapapatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Bago tuluyang naihain ang subpoena, nakipagpulong muna si Lopez kay Impeachment Clerk of Court Renato Bantug. Ayon kay Bantug, ang naganap na “open-door meeting” ay dalawang araw nang nakaiskedyul bago pa man ilabas ang subpoena.
Nilinaw ng opisyal na purong “administrative at logistical matters” lamang ang kanilang pinag-usapan at hindi ang usaping legal ukol sa kaso.
“Hindi po magiging angkop na talakayin namin ang subpoena na inisyu ng korte laban sa kanya,” pahayag ni Bantug sa isang panayam.
Kasalukuyang nililitis sa Senado si Duterte para sa mga reklamong grave threats (mabigat na pagbabanta) at inciting to sedition (pag-uudyok sa sedisyon).
