Nagpahayag ng labis na pagkadismaya si Batangas Representative Leandro Leviste sa nangyayaring kalakalaran sa loob ng House of Representatives, kasabay ng kanyang pahiwatig na posibleng hindi na siya muling tumakbo sa susunod na halalan.
Sa kanyang pagharap sa Kapihan ng Samahang Plaridel nitong Biyernes, Mayo 22, inamin ng batang mambabatas na nakakaramdam siya ng matinding panghihinayang sa oras, pwesto, at pondo ng bayan dahil sa umano’y “scripted” o kontroladong mga debate sa plenaryo.
“Malungkot na malungkot ako kapag nasa Kongreso ako kasi parang nag-aaksaya ng oras, pwesto, at pera ang pag-aatend sa Kongreso na kailangang sumunod sa script. May script na ang mga debate ngayon, hindi tulad noon,” pahayag ni Leviste.
Dahil sa kanyang pagiging kritiko sa ilang polisiya ng administrasyon at ang kanyang sunod-sunod na pagbubunyag sa korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), ilegal na sugal, at anomalya sa ayuda, inamin ni Leviste na marami siyang nagiging “kaaway” sa politika na hindi umano umaayon sa nakasanayang diskarte ng mga tradisyunal na politiko.
BASAHIN: IMPEACHMENT TRIAL VS VP SARA SISIMULAN SA JULY 6
Inilahad din ng kongresista na patuloy siyang pinupuntirya ng mga organisadong smear campaign sa social media upang pahinain ang kanyang kredibilidad sa tuwing naglalabas siya ng mabibigat na alegasyon laban sa mga matataas na opisyal.
Binigyang-diin niya na hindi siya tumatanggap ng kanyang suweldo o ng karagdagang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) mula sa Kamara. Isiniwalat pa nito na ginagamit umano ang naturang pondo bilang gantimpala sa mga mambabatas na sumusunod sa kagustuhan ng liderato.
Dahil sa ganitong sistema, tahasang sinabi ng mambabatas na baka ito na ang kanyang huling termino sa Mababang Kapulungan.
“Napakasaya siguro ng iba kong mga kasamahan kung hindi na ako tatakbo muli sa Kongreso sa susunod na eleksyon para mabawasan ang isang nanggugulo sa Kongreso… Baka magandang balita na lang para sa kanila na siguro hindi ko na sila makakasama sa susunod na Kongreso,” dagdag ng mambabatas.
Nang tanungin naman kung may plano siyang tumakbo sa mas mataas na posisyon tulad ng pagka-Gobernador o Senador sa 2028 (kung saan pasok na siya sa minimum age requirement na 35-anyos), nilinaw ni Leviste na wala pa siyang tiyak na kalkulasyon o desisyon.
Sa ngayon, aniya, ang kanyang pokus ay ang paggising araw-araw upang gampanan ang tungkulin, magbigay ng boses sa mga ordinaryong mamamayan, at ituloy ang pamamahagi ng kanyang personal na tulong gaya ng isang milyong sako ng bigas para sa mga pamilyang nadidiskrimina sa politikal na ayuda sa Batangas.
