MARIING kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang naganap na insidente ng sexual harassment kung saan isang news anchor mula sa Bacolod City ang nagbitaw ng hindi angkop na rape joke laban sa isang babaeng reporter na ginagawa lamang ang kaniyang tungkulin.
Sa opisyal na pahayag ng grupo nitong Miyerkules, Mayo 20, 2026, binigyang-diin ng NUJP na ang rape ay kailanman hindi dapat gawing biro.
Ayon sa ulat, nag-uulat lamang ang biktimang reporter tungkol sa isang kaso ng pulisya kung saan nabanggit nitong nakapiit na ang suspek sa kasong pang-aabuso sa kababaihan at kabataan, ngunit biglang banat ang anchor na “Gusto ko mapreso, so puwede ba kita ma-rape?”
Ikinabahala rin ng unyon ang inilabas na pahayag ng nasabing anchor kung saan humihingi ito ng “paumanhin” sa kaniyang inasal, subalit hindi man lang binanggit o kinilala kung paano niya hinarass ang babaeng radio reporter.
Dagdag pa nito, bagama’t may mga umiiral na batas laban sa sexual harassment at mga lokal na ordinansa para sa safe places sa pagtatrabaho, nananatili pa ring talamak ang misogyny at macho culture sa bansa.
Marami pa ring newsrooms sa kasalukuyan ang bigong maglatag ng sarili nilang mga patakaran laban sa sexual harassment o magpatupad ng malinaw na mekanismo upang ipatupad ang mga batas na nagpoprotekta sa mga mamamahayag at media worker.
BASAHIN: Pedicab driver na nanamantala ng menor-de-edad, timbog sa manhunt
Sa kasamaang palad, marami sa mga kaso ng sexual harassment sa loob ng industriya ng media ang nananatiling hindi naiuulat dahil sa takot ng mga biktima na mawalan ng trabaho at kita, ang takot na hindi sila paniwalaan, ang pagbaliktad sa sitwasyon o victim-blaming, gayundin ang kahihiyan at stigma na dulot nito.
Kasabay nito, ipinahayag din ng NUJP ang kanilang buong suporta sa dalawang kasamahan mula sa GMA Network na naghain kamakailan ng reklamo laban sa isang kapwa reporter dahil sa umano’y acts of lasciviousness at gender-based sexual harassment.
Dahil dito, muling ipinaalala ng NUJP ang kanilang panawagan sa lahat ng pamunuan ng mga newsrooms at mga kumpanya ng media na magpatupad ng zero-tolerance stance laban sa sexual harassment, at magtatag ng mga kongkretong patakaran upang matiyak ang kaligtasan ng mga mambabalita.
Nanawagan din ang unyon sa mga kasamahan sa propesyon at mga newsroom managers na isulong ang respeto, pagkakapantay-pantay, at inklusibong kapaligiran para sa lahat ng kababaihang mamamahayag at manggagawa sa media sa buong bansa.
