Bumalik na sa normal ang mobile at broadband services ng Globe Telecom sa Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon kagabi, matapos ang malawakang network disruption na idinulot ng malawakang pagkaputol ng kanilang fiber optic cables.
Nakararanas ng pagka-intermitent o kawalan ng signal sa tawag, text, at internet ang mga customer sa iba’t ibang lungsod sa kalakhang Maynila at mga karatig-lalawigan tulong ng Rizal simula nitong hapon ng Mayo 12.
Ganap na naayos ng technical at network teams ng Globe ang problema dakong alas-10:30 ng gabi.
Ayon kay Joel Agustin, Senior Vice President for Service Planning and Engineering ng Globe, ikinalulungkot nila ang nangyaring aberya na maaari sanang naiwasan kung nagkaroon lamang ng maagang koordinasyon ang mga ahensya bago naghukay.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nadamay at nawasak ang mga underground fiber optic cables ng Globe sa Paco, Manila habang nagsasagawa ng drainage excavation works ang isang subcontractor ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
BASAHIN: Senate Sergeant-at-Arms pinatawan ng 6 buwan preventive suspension
Nagresulta ito sa maramihang fiber cuts sa iisang lokasyon na kritikal sa daloy ng network service.
Dahil dito, nagsasagawa na ngayon ang Globe ng mas malalim na imbestigasyon sa serye ng mga naganap na fiber cuts sa iba’t ibang lugar. Nais malaman ng pamunuan kung ang mga insidente ba ay nagkataon lamang o mayroong “sinadyang pagkakasunod-sunod.”
“Sineseryoso namin ang bagay na ito at nakikipagtulungan na kami sa mga awtoridad at contractors upang matukoy ang pananagutan at maiwasan na itong maulit,” dagdag ni Agustin.
Upang maprotektahan ang kanilang imprastraktura, mas hihigpitan ng Globe ang pakikipag-ugnayan sa DPWH, mga lokal na pamahalaan (LGUs), at mga contractors upang lalong mapabuti ang visibility ng kanilang mga underground assets sa tuwing may mga proyektong paghuhukay sa kalsada.
