Ipinag-utos ngayong Biyernes, Mayo 15, ng Office of the Ombudsman ang anim na buwang preventive suspension laban sa Senate Sergeant-at-Arms kasunod ng naganap na madugong tensyon at kontrobersyal na paglisan ni Senador Bato dela Rosa sa gusali ng Senado.
Sa isang press briefing, mariing kinondena ni Ombudsman Boying Remulla ang inasal ng naturang opisyal, lalo na ang pagpapaputok ng baril laban sa mga ahente ng law enforcement sa loob mismo ng institusyon.
Ayon kay Martires, epektibo agad ang suspensyon nang walang bayad (without pay) upang masigurong hindi maiimpluwensyahan ng opisyal ang isinasagawang imbestigasyon.
“Hindi katanggap-tanggap na ang isang opisyal na dapat nagpapanatili ng kaayusan ang siyang nagpasimula ng away at nagpaputok ng baril. Hindi natin ito palalampasin,” ani Martires.
Nag-isyu na rin ng subpoena ang Ombudsman para makuha ang lahat ng CCTV footage sa Senado noong gabi ng Mayo 13.
Babala ni Remulla, mananagot ang sinumang magtatangka ng “cover-up” o magtatago ng mga ebidensya.
Sinisiyasat na rin ng nabuong special panel kung ang naganap na putukan ay isang “Moro-moro” o scripted na kaganapan lamang upang bigyang-daan ang pagtakas ni Dela Rosa habang may kinakaharap na arrest warrant mula sa ICC.
Hindi rin ligtas sa pagsisiyasat ang mga senador na naroroon noong gabing iyon, kabilang sina Sen. Robin Padilla at Sen. Jinggoy Estrada.
Nais malaman ng Ombudsman kung may naganap na sabwatan o pagtulong sa isang pugante (aiding and abetting a fugitive).
“Dapat harapin ng senador ang mga paratang sa kanya. Bilang dating Chief PNP, ang pagtakbo sa batas ay hindi magandang ehemplo,” dagdag ng Ombudsman bilang mensahe kay Dela Rosa.
Inaasahang maglalabas pa ng mga susunod na subpoena ang Ombudsman sa mga miyembro ng media at PNP na saksi sa insidente sa susunod na linggo.
