Opisyal nang isinailalim ng Department of Justice (DOJ) sa Precautionary Immigration Lookout Bulletin Order (PILBO) si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ngayong Biyernes, Mayo 15, kasunod ng kaniyang kontrobersyal na pagpuslit sa gusali ng Senado.
Sa ginanap na press conference, kinumpirma ni Justice Secretary Frederick Vida na inatasan na ang Bureau of Immigration (BI) na maging alerto sa lahat ng airports at seaports sa bansa upang mamonitor ang anumang tangkang paglabas ng bansa ng senador.
Bukod sa lookout bulletin, bumuo rin si Sec. Vida ng isang special panel of prosecutors na magsagawa ng masusing imbestigasyon at case build-up kaugnay ng naganap na putukan sa labas ng Senado noong Mayo 13.
Tinitingnan ng panel kung may naganap na obstruction of justice sa mabilis na pagpuslit ni Dela Rosa mula sa “protective custody” ng Senado noong madaling araw ng Huwebes.
Nilinaw ng DOJ na bagama’t may awtonomiya ang lehislatura, ang anumang insidenteng labas sa kapangyarihan nito ay saklaw ng ehekutibo.
BASAHIN: De Lima, Diokno pinalagan ang kaso ni Mans Carpio vs AMLC, BSP: ‘Harassment ‘yan!’
Tinalakay din sa press conference ang reklamong “illegal disclosure” na isinampa ni Atty. Mans Carpio laban sa mga opisyal ng BSP at AMLC.
Ayon kay Undersecretary Norman Dato, may legal na mandato ang mga ahensyang ito na magbahagi ng impormasyon sa Kongreso, lalo na sa mga usaping may kinalaman sa impeachment.
“Tinitiyak namin ang patas na preliminary investigation, ngunit tinitingnan din kung ang disclosure ay bahagi ng official performance of duty ng mga opisyal,” ani Usec. Dato.
Sinagot din ni Sec. Vida ang pahayag ni dating Sen. Leila de Lima na “harassment” ang mga kasong ito.
Ayon sa kalihim, ang pagtanggap ng mga reklamo ay bahagi ng kanilang ministerial duty at hindi pampulitikang panggigipit.
Hinimok niya ang lahat ng panig na igalang ang rule of law at hayaan ang mga prosecutor na magtrabaho nang walang pressure.
