Nagwagi nitong Biyernes, Oktubre 9, ang South African jurist at dating International Criminal Court (ICC) judge na si Navi Pillay ng prestihiyosong 2026 Nobel Peace Prize dahil sa kanyang “mga kontribusyon sa pagtataguyod ng kapayapaan at pandaigdigang batas.”
Si Pillay, 85, ang nanguna sa isang ulat ng United Nations (UN) noong nakaraang taon na nagbigay-konklusyon na gumawa ng genocide ang Israel sa Gaza—isang ulat na hayagang itinakwil at tinawag ng Israel na “iskandalo.”
Sa kanilang opisyal na pahayag, binigyang-diin ng Norwegian Nobel Committee ang kahalagahan ng pagpapanatili ng isang organisadong kaayusan sa buong mundo, lalo na’t nakararanas ng matinding hamon ang mga internasyonal na institusyon.
” “The system of international law is under tremendous pressure, and its institutions are under attack,” ayon sa komite. ” We see a shift towards power politics at the expense of legal frameworks and global respect for law and justice. Whenever might overtakes right, it undermines stability, trust and peaceful co-existence.”
Isinilang sa Durban, South Africa, sa isang pamilyang may lahing Indian Tamil, si Pillay ay may mahabang kasaysayan ng pagtatanggol sa karangalan ng tao.
Siya ang unang babaeng nagbukas ng sariling law practice sa lalawigan ng Natal noong 1967 at ang kauna-unahang non-white woman na nagsilbi sa High Court ng South Africa.
Sa kanyang unang bahagi ng karera, naging abogado rin siya sa pagtatanggol kay Nelson Mandela at iba pang mga aktibistang lumaban sa apartheid.
Nagsilbi rin siya bilang UN High Commissioner for Human Rights at naging bahagi ng mga hukuman para sa International Criminal Tribunal for Rwanda, kung saan tumulong siya sa pagtatatag ng mga legal na batayan na kumikilala sa panggagahasa bilang isang akto ng genocide.
Ang parangal ay ibinigay sa gitna ng umiiral na tensyon sa pagitan ng ICC at ng pamahalaan ng Estados Unidos sa pamumuno ni President Donald Trump, na kamakailan lamang ay humimok sa mga bansa na umalis sa naturang hukuman at nagpataw ng parusa (sanctions) laban sa ilang taga-usig at hudisya nito dahil sa pag-usig sa mga lider ng Israel.
Gayunpaman, nilinaw ni Haakon Gjerloew, acting director ng Peace Research Institute Oslo, na ang parangal kay Pillay ay hindi direktang pag-atake kay Trump.
” I think it’s generally rather a promotion of an international legal world order. Of course, he might react to someone who has been part of the ICC, but it’s not a direct attack on Trump,” ani Gjerloew.
Ang Peace Prize ang ikalimang Nobel award na ipinamahagi ngayong linggo. Ang Venezuelan opposition leader na si Maria Corina Machado ang siyang nakakuha ng parangal noong 2025.
Ang gantimpala na nagkakahalaga ng 12 milyong Swedish crowns (humigit-kumulang $1.2 milyong dolyar) ay pormal na iaabot sa Oslo sa Disyembre 10, ang anibersaryo ng kamatayan ng tagapagtatag nito na si Alfred Nobel.
