Binigyang ng ultimatum ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) Albay Chapter ang Albay Electric Cooperative (ALECO) hanggang katapusan ng Oktubre.
Sa ginanap na pagpupulong sa pangunguna ni Camalig Mayor at LMP-Albay President Caloy Baldo, nanawagan ang mga alkalde na tapusin na ang linggo-linggong power interruption na nagpapahirap sa buong lalawigan.
Ngunit sa kabila ng mga pangako at teknikal na paliwanag ng ALECO, nanatili pa ring katanungan sa atin, kung kailan nga ba totoong liliwanag sa Albay?
Palusot este paliwanag ng ALECO, hindi maiiwasan ang mga kasalukuyang nararanasang pagkaantala (ng kuryente) dahil sa system improvements, maintenance at upgrades tulad ng paglalagay ng 1×20 MVA transformer sa Cullat substation at ang pagpapalaki ng kapasidad ng Ligao Substation mula 20MVA tungong 40MVA. Giit ng pamunuan, bahagi ito ng P367-milyong rehabilitasyon na pinondohan ng national government noong 2025.
Ngunit para sa karaniwang Albayano, mahirap nang pakinggan ang mga ganitong rason. Sa pananaw ng publiko, ang sakripisyo ay naging permanenteng lifestyle na.
“Aming kuryente halos dumoble ang singil sa kabila ng patuloy na brownout. Nakakadismaya dahil bukod sa abala sa bahay at negosyo, nagbabayad kami nang mas mahal para sa serbisyong hindi naman maaasahan,” ayon kay Jeric Azores, residente ng Legazpi City.
Ito ang malaking kabalintunaan sa sitwasyon ng ALECO. Kung susumahin ang mga tulong na natanggap ng kooperatiba, nakakuha ito ng P367 milyong national government funding noong 2025 para sa pag-upgrade ng distribution lines at substations, kabilang ang mga proyekto sa Cullat at Ligao. Bukod pa rito, nakatanggap din ito ng P500 milyong subsidy mula sa National Electrification Administration (NEA) sa inisyatiba ng Ako Bicol Party-list para naman sa pagtatayo ng mga bagong substation sa Ligao at Daraga.
Ngunit sa kabila ng kabuuang mahigit P867 milyong pondo at pampublikong tulong, nananatiling mabigat ang pananalapi ng ALECO dahil sa kasalukuyan nitong utang na pumapatak sa P5 bilyon hanggang P6 bilyon.
Dahil dito, ang mismong mga mamamayan pa rin ang nagpapasan ng pasakit sa pamamagitan ng halos pagdoble ng singil sa kuryente habang patuloy na nagtitiis sa madilim na mga tahanan at naabalang negosyo.
Kaya sakto ang ginagawang pagpukpuk ng mga alkalde at ni Albay Governor Noel Rosal. Noong Hulyo, ni-require na ng gobernador ang board ng ALECO na magsumite ng komprehensibong plano kung paano solusyunan ang krisis at kung paano babayaran ang P5 bilyon hanggang P6 bilyong utang nito.
Hindi na sapat ang mga pangkalahatang “press statement” o mga pangakong “matatapos din ito.”
Tulad ng giit ni Governor Rosal, kailangang iharap sa isang Special Annual General Membership Assembly ang totoong operational at financial report ng kooperatiba.
Kung hindi kayang patunayan ng ALECO na kaya nitong ayusin ang sariling bakod, nararapat lamang na magbukas ang lalawigan sa ibang mga distributor na may kakayahang maghatid ng maayos at murang serbisyo.
Hindi naman kasi luho ang kuryente, bagkus ito ay batayang pangangailangan para sa ekonomiya, edukasyon at pang-araw-araw ng pamumuhay ng mga Alabyano.
Aba’y tama na ang palusot. Nagpasok na ang pamahalaan ng halos isang bilyong piso na tulong at ang hinihingi na lamang ng mga mamamayan ay ang serbisyong katumbas ng kanilang ibinabayad.
Sa pagtatapos ng Oktubre 2026, kapag hindi pa rin nagbago ang malawakang brownout sa lalawigan, hindi na lang ulat sa pulisya o LGU ang dapat harapin ng ALECO, kundi ang mismong paniningil ng buong lalawigan ng Albay. Aysus!
***
Para sa inyong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com.
