SWAK sa kulungan ang isang ginang nang damputin ng pulisya makaraang pagnakawan ang babaeng barista at makuhanan pa ng illegal na droga sa Valenzuela City, Miyerkules ng hapon.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Article 308 (Theft) of the RPC at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) sa ilalim ng Art II ng R.A 9165 ang suspek na si alyas “Lyn”, 47, at residente ng Sta. Cruz, Manila City.
Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng Police Sub-Station 4 sa Area 5, Pinalagad, Brgy., Malinta nang lapitan sila at hingan ng tulong ng biktimang si alyas “Carol”, 33, residente sa nasabing barangay.
BASAHIN: Buntis, dalawang menor de edad utas sa sunog sa Navotas
Sinabi sa kanila ng biktima na tinangay umano ng suspek ang kanyang pouch na naglalaman ng P690,00 cash at mahalagang dokumento kaya kaagad rumesponde sina PSSg Richard Chris Sevilla at Pat Benjamin Angiw na nagresulta sa pagkakaaresto kay ‘Lyn’ dakong alas-2:35 ng hapon at narekober sa kanya ang wallet ni ‘Carol’ at mga laman nito.
Nang hingan siya ng mga pulis ng identification ay nahulog mula sa kanyang pouch ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,732 makaraang ilabas niya ang kanyang ID.
Bukod dito, narekober din sa suspek ang isang itim na shoulder bag na naglalaman ng isang blue jersey shirt, gray trouser, covid vaccination ID, TIN ID at lip tint.
