Photo credit: Armand de Jesus
NASAWI ang tatlong katao kabilang ang isang buntis habang tatlo naman ang nasugatan sa naganap na sunog sa Navotas City, Huwebes ng madaling araw.
Batay sa ulat, pasado alas-3:00 ng madaling araw nang sumiklab ang apoy sa L. Santos St. Manalaysay, Barangay Tangos South na mabilis umanong kumalat sa magkakatabing mga kabahayan.
Kaagad itinaas ang sunog sa ikalawang alarma dakong alas-3:59 ng madaling araw kung saan naging pahirapan umano ang pagresponde ng mga bumbero dahil sa masikip na kalsada at tuluyan itong nakontrol bandang alas-5 ng umaga.
Natagpuan naman ang wala ng buhay na katawan ng mga biktima kabilang ang 27-anyos na buntis, 14-anyos na dalagita at siyam na taong gulang na batang babae matapos umanong ma-trap sa loob ng kanilang tirahan nang sumiklab ang sunog.
BASAHIN: Construction worker na nagb*gti ng pusa sa Pasig, arestado
Isinugod naman sa pinakamalapit na pagamutan ang tatlo pang katao na pawang nagtamo ng mga paso sa katawan nang tangkain umanong bumalik sa kanilang nasusunog na bahay upang isalba ang kanilang mga gamit.
Inaalam pa kung magkano ang halaga ng ari-arian ang naabo habang tinatayang sampung kabahayan ang natupok ng apoy na nadahilan upang maapektuhan ang 20 pamilya na pansamantalang nanunuluyan sa Brgy., Tangos-South Covered Court kung sila pinadalhan ni Mayor John Rey Tiangco ng mainit na pagkain, inuming tubig at mga pangunahing pangangailangan.
Sinabi ni Mayor Tiangco na sa inisyal na report ay nagkakabit umano ng jumper ang naging sanhi ng sunog kaya paalala niya sa lahat na kung may nakikitang gumagawa ng mga illegal at mga ganyang gawain ay i-report kaagad dahil napakalaking perwisyo aniya ito sa komunidad. (Juvy Lucero)
