Kalaboso ang bagsak ng isang construction worker matapos mahuli sa surveillance footage ang ginawang pagb*gti sa isang patay na pusa sa Barangay Santolan nitong Huwebes ng umaga.
Ang suspek, isang 38-anyos na lalaki, ay dinala sa kustodiya ng Barangay Security Force matapos siyang makilala sa CCTV footage kung saan makikita ang pagbigti sa naturang pusa sa loob ng local Public Plaza.
Nagsimula ang imbestigasyon nang madiskubre ng isang traffic enforcer ang bangkay ng pusa.
Agad itong ipinaalam sa Barangay Santolan Animal Control Office, na mabilis namang nakipagtulungan sa mga barangay tanod para matukoy at madakip ang salarin.
Nahaharap ngayon ang suspek sa mga kasong kriminal sa ilalim ng Republic Act No. 10631 o ang Amended Animal Welfare Act of 1998.
Ang batas na ito ay nagpaparusa sa sinumang mapapatunayang nagkasala ng kalupitan, pagpapabaya, o pagbibigay ng hindi kinakailangang paghihirap sa mga hayop.
BASAHIN: Urban Gardening, ibinida sa Villar Foundation Cooking Competition
Binigyang-diin ni NCRPO Regional Director PMGEN Anthony A. Aberin ang kahalagahan ng pagbabantay ng komunidad sa ganitong uri ng mga krimen.
“Ang bawat buhay ay mahalaga. Ang NCRPO ay walang pinipiling buhay na proprotektahan. Hindi namin palalampasin ang anumang uri ng kalupitan,” pahayag ni PMGEN Aberin.
Pinuri rin niya ang mabilis na koordinasyon sa pagitan ng mga mamamayan at ng lokal na pamahalaan.
Sa ilalim ng batas, ang mga mapapatunayang nagkasala ng animal cruelty ay maaaring maharap sa pagkakakulong at mabigat na multa.
Hinimok ng NCRPO ang publiko na patuloy na i-report ang anumang pang-aabuso sa mga hayop sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya o tumawag sa 911.
