Umabot na sa kabuuang 31,619 Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang napalaya sa ilalim ng administrasyong Marcos, matapos iulat ng Bureau of Corrections ang tagumpay ng BuCor PDL release para sa karagdagang 1,180 bilanggo mula noong Marso 29 hanggang Mayo 12, 2026.
Sa ginanap na seremonya sa BuCor Headquarters kahapon, inihayag ni Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na target ng ahensya na makapagpalaya ng hindi bababa sa 10,000 PDLs taon-taon sa nalalabing dalawang taon ng kasalukuyang gobyerno.
Upang mapabilis ang proseso, nakipag-ugnayan na si Catapang sa Board of Pardons and Parole (BPP) para sa modernisasyon ng case review.
BASAHIN: BI, target ma-deploy ang lahat ng eGates ngayong taon
Plano ng BuCor na mag-install ng server sa BPP para sa agarang access sa “carpeta” o inmate case folders, na siyang susi sa pagtukoy kung sino ang mga kuwalipikado sa susunod na BuCor PDL release.
Binigyang-diin ni Catapang na malaki ang papel ng espirituwal na aspeto sa rehabilitasyon ng mga preso upang mabawasan ang karahasan sa loob ng mga pasilidad.
Ayon sa kanya, ang bawat BuCor PDL release ay simbolo ng pagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa mga nagkasala sa batas.
Nagpaabot din ng mensahe ng pag-asa si Justice Secretary Fredderick Vida sa mga kakalaya pa lamang.
Hinimok niya ang mga ito na huwag nang lumingon sa nakaraan kundi tumingin sa mas magandang kinabukasan.
“Ang hindi kayang gawin ng tao, kayang gawin ng Panginoon. Panatilihin ang pananampalataya,” pahayag ni Sec. Vida. (Mina Paderna)
