Pormal nang sinimulan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang groundbreaking ceremony para sa pagtatayo ng isang dambuhala at “state-of-the-art” na correctional facility sa 60-ektaryang lupain sa lungsod na ito.
Binigyang-diin ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang kahalagahan ng proyektong ito na nagkakahalaga ng P470 milyon.
Ayon sa kanya, huling nagtayo ng regional prison facility ang bansa 53 taon na ang nakalilipas sa Leyte, sa ilalim pa ng administrasyon ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ang nasabing proyekto ay bahagi ng mandato ng Republic Act No. 10575 upang matiyak ang makataong pagtrato at epektibong repormasyon para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL).
Idinisenyo ang pasilidad upang tumanggap ng hanggang 7,500 PDLs. Tampok dito ang Maximum, Medium, at Minimum Security Camps; Reception and Diagnostic Center at Drug Treatment and Rehabilitation Center; Correctional Institution for Women; Vocational at Vocational-Livelihood Facilities at Agricultural Production Areas; at In-facility Courtrooms at Personnel Housing.
Titiyakin din ang seguridad sa pamamagitan ng fortified walls, elevated guard towers, advanced surveillance technologies, at solar lighting system.
Nagpaabot ng pasasalamat si Catapang kay Nueva Ecija Governor Aurelio Umali at sa mga mamamayan ng Palayan sa donasyong lupa at tiwalang ibinigay sa kawanihan.
Ayon kay Catapang, malaki ang magiging ambag nito sa lokal na ekonomiya dahil sa libu-libong manggagawa na kailangan sa konstruksyon. Kapag naging operational na sa katapusan ng 2027, magbubukas din ito ng permanenteng trabaho para sa mga medical professionals, administrative staff, at security personnel.
Kaalinsabay ng aktibidad, iginawad na ang Notice of Award sa joint venture ng Front Nine Konstruct Builders & Realty Dev Corp at Qonstech Construction Corp bilang mga winning bidders na gagawa sa proyekto.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng Philippine Development Plan 2023–2028 na naglalayong pag-isahin ang penology system at i-optimize ang paggamit ng mga lupain ng gobyerno para sa serbisyo publiko.
