Naging madugo ang weekend sa lalawigan matapos maitala ang tatlong magkakahiwalay na insidente ng pagkalunod sa mga lungsod ng Antipolo at mga bayan ng Jalajala at Binangonan nitong Linggo, Abril 19.
Sa Antipolo City, isang masayang camping activity ang nauwi sa iyakan matapos malunod ang isang bata sa Isla Rebelde Camp Site sa Sitio Kaysakat, Brgy. San Jose.
Ayon sa ulat ng Antipolo CCPS, napansin ng pamilya na nawawala ang bata habang sila ay nagtatanghalian bandang alas-10:30 ng umaga.
Matapos ang mabilisang paghahanap, natagpuan ang bata na nakalubog sa umaagos na ilog sa loob ng campsite.
Idineklarang dead on arrival ang biktima sa Cabading Hospital bandang alas-11:45 ng tanghali.
Halos kasabay nito, isang bata ring kinilalang si alyas Drake, residente ng Parañaque City, ang binawian ng buhay sa Blue Ridge Resort, Brgy. Bagumbong, Jalajala.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Jalajala MPS na habang kumakain ang pamilya, naiwang naglalaro ang bata malapit sa swimming pool.
Aksidenteng nahulog ang biktima sa 5-feet na lalim ng tubig. Makalipas ang anim na minuto, natagpuan ng kanyang kapatid ang bata na wala nang malay. Idineklara itong patay ni Dr. Fred Mazula sa Jalajala Municipal Hospital.
Sa Binangonan, isang hindi pa kilalang dalagita, na tinatayang 14-taong gulang, ang natagpuang palutang-lutang sa Laguna de Bay malapit sa Kalinawan Pritil bandang alas-5:40 ng madaling araw.
Ayon sa mga mangingisda, nakita pa ang biktima na pagala-gala sa mga kalsada ng Brgy. Kalinawan bago ang insidente at tila wala sa tamang pag-iisip.
Nakasuot ang dalagita ng navy blue shirt na may “Esprit” print at itim na pantalon. Wala namang nakitang senyales ng foul play sa katawan ng biktima na dinala na sa Valencia Memorial Services para sa pagsusuri.
