Hindi na nakalayo ang isang 24-anyos na suspek matapos itong madakip sa aktong pang-iisnats ng cellphone ng isang empleyado ng Manila City Hall na dadalo sana sa flag raising ceremony kaninang umaga.
Naganap ang insidente sa bisinidad ng Kartilya ng Katipunan, na matatagpuan malapit lamang sa City Hall.
Ayon sa ulat, nilapitan ng dalawang suspek ang biktima at mabilis na tinangay ang cellphone nito.
Gayunpaman, hindi nagtagumpay ang mga salarin na makatakas nang malayo dahil agad na rumesponde ang mga security personnel at ilang empleyado sa lugar na nakakita sa pangyayari. Nagkaroon ng habulan na nagresulta sa pagkakaaresto ng isa sa mga suspek.
Kinilala ang nadakip na suspek na isang residente ng Tondo, Maynila. Kasalukuyan na siyang nasa kustodiya ng Special Mayor’s Reaction Team (SMART) para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.
Bagama’t nasakote ang isa, mabilis namang nakatakas ang kasamahan nito na bitbit ang ninakaw na cellphone. Tiniyak ng mga awtoridad na nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon at manhunt operation upang matukoy at madakip ang ikalawang suspek.
Muling nagpaalala ang pamunuan ng City Hall sa mga empleyado at publiko na manatiling mapagmatyag sa kanilang kapaligiran, lalo na sa mga matataong lugar sa paligid ng gusali ng pamahalaan. (AR BERNARDO)
