Photo: Rizal PPO
Tuloy-tuloy ang kampanya ng mga awtoridad laban sa ilegal na droga matapos malambat ang dalawang itinuturing na “High-Value Individual” (HVI) sa magkahiwalay na buy-bust operation sa mga bayan ng Binangonan at Taytay nitong Mayo 11 at 12.
Unang bumagsak sa kamay ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Rizal PPO ang suspek na kinilala sa alyas na “Dolph” dakong alas-2:40 ng hapon nitong Lunes, Mayo 11, sa Sitio Kasinay, Brgy. Darangan, Binangonan.
Nasamsam mula kay Dolph ang pito (7) na sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 100 gramo at may street value na P680,000.
Bukod sa droga, narekober din ang buy-bust money, isang belt bag, at ang ginagamit niyang Raider motorcycle.
Hindi pa lumilipas ang isang araw, isa pang malaking isda ang nalambat ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Taytay MPS dakong ala-1:40 ng madaling araw ngayong Martes, Mayo 12.
Nadakip sa Phase 1, San Lorenzo Ruiz, Brgy. San Juan ang suspek na si alyas “Rojo,” na isa ring HVI.
Nakuha sa kanyang posisyon ang apat na sachet at isang malaking knot-tied plastic pack ng hinihinalang shabu.
Ang kabuuang timbang ng droga ay umabot sa 180 gramo na may Standard Drug Price na P1,224,000.
Nakuha rin sa kanya ang buy-bust money, belt bag, at isang motorsiklo.
Ang dalawang suspek ay kasalukuyang nakapiit sa kani-kanilang municipal custodial facilities. Sila ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang mga dokumento para sa pagsasailalim sa inquest proceedings ng mga naarestong suspek.
