Inaasahang aabot sa mahigit 1,000 kabataan ang makikinabang sa isinasagawang dalawang araw na “Libreng Tuli” program ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina.
Ayon sa ulat, nasa 800 ang nakapag-rehistro online bago ang programa, ngunit binuksan din ng lokal na pamahalaan ang pintuan para sa mga “walk-in” applicants upang mas marami pang bata ang masebisyuhan.
Sa kasalukuyan, may naitala nang mahigit 50 walk-ins, kung saan ang pinakamatanda sa mga benepisyaryo ay nasa edad 17.
Binigyang-diin ni Mayor Maan Teodoro na hindi lamang ang mismong operasyon ang libre, kundi maging ang “aftercare” o ang pangangalaga pagkatapos ng tuli.
Bahagi ng programa ang pamamahagi ng Aftercare Kit na naglalaman ng disinfectant at sabon para sa kalinisan, ointment para sa mabilis na paghilom ng sugat, pati na rin cotton, alcohol, at swabs.
Kasama rin sa ibinibigay ang mga gamot tulad ng antibiotics at pain relievers na sapat para sa isang linggong gamutan base sa reseta ng doktor.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang alkalde sa iba’t ibang volunteer groups at ospital na nagpadala ng kanilang mga doktor at nurses upang suportahan ang inisyatiba.
Kabilang sa mga tumulong ang Marikina Valley Medical Center, Amang Rodriguez Memorial Medical Center, St. Luke’s Medical Center, City Health Office, Pamantasan ng Lungsod ng Marikina (PLMar) at Armed Forces of the Philippines (AFP)
Ang nasabing inisyatibo ay pinondohan ng City Government of Marikina upang makatulong sa mga magulang at matiyak ang ligtas at medikal na pamamaraan ng pagtutuli para sa mga batang Marikenyo ngayong bakasyon. (Arnold Pajaron Jr)
